The chat will start when you send the first message.
1O Diyos, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3Panginoon , tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako upang patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Diyos ng mga Hukbo,
Diyos ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari;
tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo
ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan
ang mga taksil na iyon.
6Tuwing gabi ay pabalik-balik sa lungsod ang aking mga kaaway;
para silang mga asong umaalulong
habang silaʼy naglilibot sa bayan.
7Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita;
kasinsakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila,
“Wala namang nakakarinig sa atin.”
8Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon .
Kinukutya nʼyo ang mga taong
hindi sumasampalataya sa inyo.
9O Diyos ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo
dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10at Diyos na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin
ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11Ngunit huwag nʼyo silang patayin agad
upang hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan
ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway
sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12Silaʼy nagkakasala sa kanilang mga labi
sapagkat masasama ang kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan,
pagmumura at kasinungalingan.
13Sa inyong galit, lipulin nʼyo sila
hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayoʼy malalaman ng buong mundo
na kayo, O Diyos, ang naghahari sa Israel.
14Tuwing gabi ay pabalik-balik
sa lungsod ang aking mga kaaway;
para silang mga asong umaalulong
habang silaʼy naglilibot sa bayan.
15Silaʼy naglilibot para humanap ng pagkain
at umaalulong kapag hindi nabusog.
16Ngunit ako ay aawit
tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga, akoʼy aawit
nang may kagalakan
tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan
sa oras ng kagipitan.
17O Diyos, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan
at Diyos na sa akin ay nagmamahal.