The chat will start when you send the first message.
1Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Diyos, na ialay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buháy, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya.
2Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, upang malaman ninyo ang kalooban ng Diyos – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.
3Sapagkat dahil sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo: Huwag ninyong pahalagahan nang higit sa nararapat ang inyong sarili. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Diyos sa inyo.
4Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain,
5ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Kristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa.
6Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Diyos ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ipinagkaloob sa isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Diyos, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya.
7Kung ang ipinagkaloob sa kanya ay paglilingkod, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya;
8kung pagpapalakas-loob, magpalakas siya nang loob; kung pagbibigay, magbigay siya nang bukas-palad; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.
9Magmahalan kayo nang tunay. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti.
10Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Kristo at maging magalang sa isaʼt isa.
11Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong sikap na maglingkod sa Panginoon.
12At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin.
13Tulungan ninyo ang mga hinirang ng Diyos na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan.
14Idalangin ninyo sa Diyos na pagpalain niya ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain.
15Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makipagluksa kayo sa mga nagluluksa.
16Magkaisa kayo ng saloobin. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.
17Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Sa halip, gawin ninyo kung ano ang mabuti sa paningin ng lahat.
18Gawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo upang makipamuhay nang mapayapa sa lahat ng tao.
19Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Diyos. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[#12:19 Deu. 32:35.]
20Kaya:
“Kung nagugutom ang iyong kaaway,
bigyan mo ng makakain.
Kung siyaʼy nauuhaw,
bigyan mo ng maiinom.
Dahil kapag ginawa mo ang mga ito,
mapapahiya siya sa kanyang sarili
na parang nilagyan mo ng baga
ang kanyang ulo.”
21Huwag kayong padadaig sa kasamaan, sa halip talunin ninyo ang kasamaan sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan.