The chat will start when you send the first message.
1Tanggapin ninyo ang kapatid na mahina ang pananampalataya at huwag makipagtalo sa kanyang mga paniniwala.
2Halimbawa, may kapatid na naniniwala na lahat ng pagkain ay maaaring kainin. Mayroon namang mahina ang pananampalataya at para sa kanya, gulay lamang ang dapat kainin.
3Hindi dapat hamakin ng taong kumakain ng kahit ano ang taong gulay lamang ang kinakain. Gayundin naman ang taong gulay lamang ang kinakain, hindi nito dapat husgahan ang taong kumakain ng kahit ano, sapagkat pareho silang tinatanggap ng Diyos.
4Kaya, sino ka para husgahan ang utusan ng iba? Ang amo lang niya ang makapagsasabi kung tama o hindi ang ginagawa niya. At talagang magagawa niya ang tama, dahil ang Panginoon ang tutulong sa kanya.
5May mga taong naniniwala na mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang araw. May tao namang pare-pareho lang para sa kanya ang lahat ng araw. Hayaang magpasya ang bawat isa para sa kanyang sarili.
6Ang taong may pinapahalagahang araw ay gumagawa nito para sa Panginoon. At ang tao namang kumakain ng kahit anong pagkain ay gumagawa rin nito para sa Panginoon, dahil pinasasalamatan niya ang Diyos para sa kanyang pagkain. Ang hindi naman kumakain ng ilang klase ng pagkain ay gumagawa nito para sa Panginoon at nagpapasalamat din siya sa Diyos.
7Wala ni isa man sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang.
8Kung tayoʼy nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayoʼy mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayoʼy sa Panginoon.
9Ito ang dahilan kung bakit namatay at muling nabuhay si Kristo, upang maging Panginoon siya ng mga buháy at mga patay.
10Kaya huwag ninyong huhusgahan o hahamakin ang inyong kapatid kay Kristo. Dahil tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos.
11Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:
“Ako, ang Panginoon na buháy ay sumusumpa,
darating ang araw na ang lahat ng tao
ay luluhod sa akin at kikilalanin akong Diyos.”
12Kaya lahat tayoʼy mananagot sa Diyos sa lahat ng ating mga ginawa.
13Kaya nga huwag na nating husgahan ang ating kapwa. Sa halip, iwasan na nating gumawa ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid.
14Dahil nakipag-isa na ako sa Panginoong Hesus, alam ko at natitiyak kong wala talagang bawal na pagkain. Ngunit kung naniniwala ang isang tao na marumi ang isang pagkain, marumi nga ito sa kanya kapag kinain niya.
15Kung nababagabag ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi na naaayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipapahamak ang kapatid mo kay Kristo dahil lang sa pagkain, dahil namatay rin si Kristo para sa kanya.
16Kaya huwag mong hayaang mapulaan ang anumang sa tingin moʼy mabuti.
17Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, kundi sa matuwid na pamumuhay, magandang relasyon sa kapwa, at kagalakan na nagmumula sa Banal na Espiritu.
18Ang naglilingkod kay Kristo sa ganitong paraan ay kalugod-lugod sa Diyos at iginagalang ng kapwa.
19Kaya pagsikapan nating gawin palagi ang mga bagay na magbibigay ng kapayapaan at makakapagpatibay sa isaʼt isa.
20Huwag mong sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Diyos nang dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay maaaring kainin, ngunit ang pagkain nito ay masama kapag naging dahilan ito ng pagkakasala ng iba.
21Mas mabuti pang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gawin ang isang bagay kung iyon ang magiging dahilan ng pagkakasala ng iyong kapatid.
22Kaya anuman ang iyong paniniwala sa mga bagay na ito, ikaw na lang at ang Diyos ang dapat makaalam. Mapalad ang taong hindi inuusig ng kanyang konsensiya dahil sa paggawa ng mga bagay na alam niyang tama.
23Ngunit ang sinumang kumakain nang may pag-aalinlangan ay nagkakasala dahil hindi na ito ayon sa kanyang paniniwala. Sapagkat kasalanan ang anumang bagay na ginagawa natin na hindi ayon sa ating paniniwala.