The chat will start when you send the first message.
1Ngayon, nais kong ipakilala sa inyo ang kapatid nating si Febe. Naglilingkod siya sa iglesya sa Cencrea.[#16:1 : Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.”]
2Tanggapin ninyo siya bilang kapatid sa Panginoon gaya ng nararapat gawin ng mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang kakailanganin niya dahil marami siyang natulungan, at isa na ako roon.
3Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa kay Kristo Hesus.
4Itinaya nila ang kanilang buhay alang-alang sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanila, at hindi lang ako kundi pati na rin ang lahat ng iglesya ng mga Hentil.
5Ikumusta rin ninyo ako sa mga mananampalatayang nagtitipon sa kanilang tahanan.[#16:5 : Sa literal, iglesya , ganito rin sa talata 23|ROM 16:23.]
Ipaabot din ninyo ang pangungumusta ko sa minamahal kong kaibigan na si Epeneto. Siya ang unang sumampalataya kay Kristo Hesus sa probinsya ng Asia.
6Ikumusta rin ninyo ako kay Maria, na nagsikap nang husto para sa inyo.
7Kumusta rin kina Andronico at Junias, mga kapwa kong Hudyo at nakasama ko sa bilangguan. Nauna silang naging Kristiyano kaysa sa akin, at kilalang-kilala sila ng mga apostol.[#16:7 : O kayaʼy, at silaʼy mga kilalang apostol.]
8Ikumusta rin ninyo ako sa minamahal kong kaibigan sa Panginoon na si Ampliato.
9Kumusta rin kay Urbano na kamanggagawa kay Kristo, at ganoon din sa minamahal kong kaibigan na si Estakis.
10Kumusta rin kay Apeles na isang subok at tapat na lingkod ni Kristo. Kumusta rin sa pamilya ni Aristobulo,
11sa kapwa ko Hudyo na si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa pamilya ni Narciso.
12Ikumusta rin ninyo ako kina Trifena at Trifosa, na masisipag na manggagawa ng Panginoon. Kumusta rin sa minamahal kong kaibigan na si Persida. Malaki ang naitulong niya sa gawain ng Panginoon.
13Kumusta rin kay Rufo, na isang mahusay na lingkod ng Panginoon. Kumusta rin sa kanyang ina, na para ko na ring ina.
14Ikumusta rin ninyo ako kina Asincrito, Flegon, Hermes, Patrobas, Hermas at sa mga kapatid na kasama nila.
15Kumusta rin kina Filologo, Julia, Nereo at sa kapatid niyang babae na si Olimpas, at sa lahat ng hinirang ng Diyos na kasama nila.
16Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Kristo.[#16:16 : Sa literal, sa pamamagitan ng banal na halik.]
Kinukumusta kayo ng lahat ng iglesya ni Kristo rito.
17Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: Mag-ingat kayo sa mga taong lumilikha ng pagkakahati-hati at gumugulo sa pananampalataya ninyo. Nangangaral sila laban sa mga aral na natanggap ninyo sa amin. Kaya iwasan ninyo sila.
18Ang mga taong ganyan ay hindi naglilingkod sa Panginoong Hesu-Kristo, kundi sa pansarili nilang hangarin. Dinadaya nila ang mga walang muwang sa pamamagitan ng mahuhusay nilang pananalita at pambobola.
19Balitang-balita sa lahat ang inyong katapatan sa pagsunod sa Panginoon, at nagagalak ako dahil diyan. Ngunit gusto kong maging matalino kayo sa mga bagay na mabuti, at walang alam sa paggawa ng kasamaan.
20Ang Diyos ang nagbibigay ng kapayapaan, at malapit na niyang durugin si Satanas sa pamamagitan ninyo. Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesus.
21Kinukumusta kayo ni Timoteo na kamanggagawa sa Panginoon, at nina Lucio, Jason at Sosipatro na mga kapwa ko Hudyo.
22(Kinukumusta ko rin kayo. Ako si Tercio na nasa Panginoon din na siyang sumulat ng liham na ito ni Pablo.)
23Kinukumusta rin kayo ni Gayo, na nagpatulóy sa akin at sa mga mananampalataya dito sa kanyang bahay.
Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod at ng ating kapatid na si Cuarto. [
24Pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Amen.][#16:24 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]
25Purihin natin ang Diyos na siyang makakapagpatibay sa pananampalataya ninyo ayon sa Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. Ang Magandang Balita tungkol kay Hesu-Kristo ay inilihim nang matagal na panahon,
26ngunit ipinahayag na ngayon sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta. Itoʼy ayon sa utos ng walang kamatayang Diyos, upang ang lahat ng tao ay sumampalataya at sumunod sa kanya.
27Purihin natin ang Diyos na tanging nakakaalam ng lahat. Purihin natin siya magpakailanman sa pamamagitan ni Hesu-Kristo! Amen.