The chat will start when you send the first message.
1Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Ngunit maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon.
2Alam nating makatarungan ang hatol ng Diyos sa mga taong gumagawa ng kasamaan.
3Ngunit sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Diyos
4dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Diyos ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo.
5Ngunit dahil matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi at tumalikod sa iyong mga kasalanan, pinabibigat mo ang parusa ng Diyos sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol.
6Sapagkat ibibigay ng Diyos sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[#2:6 Salmo 62:12; Kaw. 24:12.]
7Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, kaluwalhatian, at buhay na walang hanggan.
8Ngunit sa iba naman na walang ibang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Diyos ang kanyang matinding galit.
9Lahat ng taong gumagawa ng masama ay magdurusa at maghihirap; ang mga Hudyo muna bago ang mga Hentil.
10Ngunit bibigyan ng Diyos ng kaluwalhatian, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Hudyo bago ang mga Hentil.
11Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat ng tao.
12Ang mga Hentil, dahil wala sa kanila ang Kautusan ay hahatulan na hindi ayon sa Kautusan kapag silaʼy nagkasala. Ang mga Hudyo naman, dahil nasa kanila ang Kautusan ay hahatulan ayon sa Kautusan kapag silaʼy nagkasala.
13Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Diyos na matuwid kundi ang tumutupad nito.
14Sa katunayan, wala ang Kautusan sa mga Hentil. Ngunit kapag kusa nilang ginagawa ang hinihiling ng Kautusan, ito na ang nagiging tuntunin nila, kahit hindi nila narinig ang Kautusan.
15Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensiya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol.
16At ayon sa Magandang Balitang itinuturo ko, ang konsensiya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Diyos, sa pamamagitan ni Hesu-Kristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.
17Sinasabi ninyo na mga Hudyo kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Diyos.
18Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Diyos at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo ng Kautusan.
19Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag, ilaw sa mga taong nasa kadiliman,
20at tagapagturo ng mga kulang ang pang-unawa at ng mga bata pa. Ganito nga ang tingin ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan.
21Tinuturuan ninyo ang iba, ngunit bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, ngunit kayo mismoʼy nagnanakaw.
22Sinasabi ninyong huwag mangalunya, ngunit kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga diyos-diyosang sinasamba ng mga Hentil, ngunit ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo.
23Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan, ngunit ginagawa naman ninyong kahiya-hiya ang Diyos dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan.
24Tulad nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga Hentil ang pangalan ng Diyos.”[#2:24 Isa. 52:5. Ito ay hango sa saling Septuagint.]
25May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Subalit kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli.
26At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Diyos na para na ring tuli.
27Kahit na kayo ay mga Hudyo at tuli, papatunayan ng mga Hentil na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito.
28Ang pagka-Hudyo ng isang tao ay hindi dahil sa Hudyo ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman.
29Ang tunay na Hudyo ay ang taong nabago ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinararangalan ng Diyos kahit hindi pinupuri ng tao.[#2:29 : Sa literal, natuli.]