Mga Taga-Roma 6

Patay sa Kasalanan at Buháy kay Kristo

1Ano ngayon ang masasabi natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan para lalong madagdagan ang biyaya ng Diyos sa atin?

2Siyempre hindi! Wala nang kapangyarihan ang kasalanan sa atin kaya hindi na tayo dapat magpatuloy sa pagkakasala.

3Hindi ba ninyo alam na noong binautismuhan tayo kay Kristo Hesus, nangangahulugan ito na kasama tayo sa kanyang kamatayan?

4Kaya noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama niya. Kung paanong binuhay muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkakaroon ng panibagong buhay.

5At kung nakasama tayo sa kanyang kamatayan, tiyak na mabubuhay tayong muli tulad ng muli niyang pagkabuhay.[#6:5 : O magkakaroon tayo ng bagong buhay.]

6Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinako na sa krus kasama ni Kristo upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo alipinin pa ng kasalanan.

7Sapagkat ang taong patay na ay malaya na sa kasalanan.

8At kung namatay tayong kasama ni Kristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya.

9Sapagkat alam nating si Kristoʼy muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.

10Minsan lang siyang namatay para sa kasalanan ng mga tao; at nabubuhay siya ngayon para sa Diyos.

11At dahil nakay Kristo Hesus na kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan at nabubuhay na para sa Diyos.

12Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang namamatay, upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito.

13Huwag na ninyong gamitin ang alinmang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos bilang mga taong binigyan ng buhay. Ilaan ninyo sa Diyos ang inyong katawan sa pamamagitan ng paggawa ng nararapat sa kanyang harapan.

14Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim na ng biyaya ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa biyaya na ng Diyos, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Siyempre hindi!

16Hindi ba ninyo alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Ngunit kung sumusunod tayo sa Diyos, mga alipin tayo ng Diyos at ang dulot nitoʼy pagiging matuwid.

17Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo.

18Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran.

19Ginagamit kong halimbawa ang tungkol sa mga alipin upang madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan upang maging banal kayo.

20Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay.

21Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong gawain na ikinakahiya nʼyo na ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan.

22Ngunit pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Diyos. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan.

23Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.