The chat will start when you send the first message.
1Mga kapatid, alam naman ninyo ang tungkol sa batas kaya nauunawaan ninyo na ang taoʼy nasasakop lamang nito habang nabubuhay siya.
2Halimbawa, ayon sa batas, ang isang babaeng may asawa ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Ngunit kung namatay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na nagtatali sa kanya sa asawa niya.
3Kaya kung sisiping siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na ʼyon. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya.
4Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya upang maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Diyos.
5Noong namumuhay pa tayo sa dati nating pagkatao, ang masamang pagnanasa ang naghahari sa ating katawan, at pinukaw pa ng Kautusan, kaya gumawa tayo ng mga bagay na hahantong sa kamatayan.
6Ngunit ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Diyos ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Espiritu.
7Ang ibig ko bang sabihin ay masama ang Kautusan? Aba, hindi! Sapagkat kung wala ang Kautusan, hindi ko malalaman kung ano ang kasalanan. Kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang magnasa,” hindi ko malalaman na masama pala ang pagnanasa.[#7:7 Exo. 20:17; Deu. 5:21.]
8Ngunit ginamit ng kasalanan ang kautusang ito upang gisingin sa akin ang lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, walang kapangyarihan ang kasalanan.
9Noong una, nabuhay ako nang walang Kautusan. Ngunit nang malaman ko ang Kautusan, nalaman kong ako palaʼy makasalanan at nahatulan na ng kamatayan.
10Kaya ang Kautusan na dapat sanaʼy magbibigay ng buhay ang siya pang nagdulot sa akin ng kamatayan.
11Sapagkat ginamit ng kasalanan ang Kautusan upang dayain ako, at dahil dito nahatulan ako ng kamatayan dahil hindi ko masunod ang Kautusan.
12Ngunit sa kabila nito, banal pa rin ang Kautusan; ang bawat utos nito ay banal, matuwid at mabuti.
13Nangangahulugan bang mabuting bagay pa ang siyang nagdulot sa akin ng kamatayan? Aba, hindi! Ang kasalanan ang siyang nagdulot nito. Ginamit ng kasalanan ang Kautusan, na isang mabuting bagay, upang akoʼy mahatulan ng kamatayan. At dahil dito, nalaman ko kung gaano talaga kasama ang kasalanan.
14Alam nating ang Kautusan ay espirituwal; ngunit akoʼy tao lamang, at alipin ng kasalanan.
15Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabubuting bagay na gusto kong gawin, sa halip, ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa.
16At kung ayaw ko ang mga ginagawa kong masama, ibig sabihin nitoʼy sumasang-ayon ako na tama nga ang sinasabi ng Kautusan.
17Kaya hindi talaga ako ang gumagawa ng masama, kundi ang kasalanang likas sa akin.
18Alam kong walang mabuti sa akin; ang tinutukoy ko ay ang makasalanan kong pagkatao, dahil kahit gusto kong gumawa ng mabuti, hindi ko ito magawa.
19Dahil dito, ang mabubuting bagay na gusto kong gawin ay hindi ko magawa, pero ang mga bagay na kinasusuklaman kong gawin ang siya kong ginagawa.
20Kung ginagawa ko man ang ayaw kong gawin, hindi na ako ang talagang gumagawa nito kundi ang kasalanang likas sa akin.
21Kaya naiintindihan ko na ang prinsipyong ito: Kapag gusto kong gumawa ng mabuti, hinahadlangan ako ng kasamaang likas sa akin.
22Sa kaibuturan ng aking puso, nalulugod ako sa Kautusan ng Diyos,
23pero may napapansin akong ibang kapangyarihan na kumikilos sa aking pagkatao, na sumasalungat sa pagsunod ko sa Kautusan na alam ko. Dahil dito, naging alipin ako ng kapangyarihan ng kasalanang likas sa aking pagkatao.[#7:23 : Sa literal, kautusan. Ganito rin sa talata 25|ROM 7:25 at Roma 8:2.]
24Kawawa naman ako! Sino ang magliligtas sa akin sa makasalanan kong pagkatao na nagdudulot sa akin ng kamatayan?
25Salamat sa Diyos, na nagliligtas sa akin sa pamamagitan ni Hesu-Kristo na ating Panginoon!
Ito ang aking kalagayan: Ang kaisipan ko ay nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, ngunit ang aking makasalanang pagkatao ay nagpapasakop sa kapangyarihan ng kasalanan.