The chat will start when you send the first message.
1Akoʼy isang bulaklak lamang ng Saron,
isang liryo sa lambak.
2Kung ihahambing sa ibang kababaihan,
ang irog koʼy tulad ng liryo
sa gitna ng matinik na halamanan.
3Kung ihahambing sa ibang kabinataan,
ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas
sa gitna ng mga puno sa kagubatan.
Nananabik akong maupo sa lilim niya,
at tikman ang matamis niyang bunga.
4Dinala niya ako sa isang handaan
upang ipakita sa lahat na ako
ay kanyang minamahal.
5Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas
upang akoʼy muling lumakas,
sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig.
6Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig
at ang kanang kamay naman niya
ay nakayakap sa akin.
7Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem,
mangako kayo sa pamamagitan
ng mga batang usa at gasela,
na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig
ay umusbong hanggaʼt
hindi pa dumarating
ang tamang panahon.
8Ayan na!
Naririnig ko nang paparating
ang aking mahal.
Dumarating siyang patalon-talon
na parang usa sa mga bundok
at burol.
9Ang aking minamahal
ay tulad ng batang usa.
Tingnan ninyo! Naroon siyaʼt
nakatayo sa likod ng pader,
nakamasid sa may bintana,
dumudungaw sa kurtina.
10Sinabi niya sa akin,
“Halika na irog kong maganda
at sa akin ay sumáma ka.
11Tapos na ang panahon
ng taglamig at tag-ulan.
12Namumukadkad na
ang mga bulaklak sa parang,
panahon na ng pag-aawitan
at maririnig na rin ang huni
ng mga kalapati sa kabukiran.
13Ang mga bunga ng igos ay hinog na[#2:13 : O Ang mga puno ng igos ay namumunga na.]
at humahalimuyak ang bulaklak
ng mga ubas.
Halika na irog kong maganda,
sa akin ay sumáma ka na.”
14Aking kalapating nagtatago
sa mga bitak ng malaking bato,
sa mga taguan sa bangin.
Ipakita mo sa akin ang iyong mukha,
at iparinig din ang iyong tinig,
dahil napakalambing ng tinig mo,
at napakaganda ng mukha mo.
15Bilis!
Hulihin ang mga asong-gubat na sumisira
ng aming mga ubasang namumulaklak.
16Akin lang ang mahal ko,
at ako naman ay kanya lang.
Nagpapastol siya
sa gitna ng mga liryo.
17Bago magbukang-liwayway
at magliwanag,
magbalik ka, mahal ko.
Tumakbo ka na kasimbilis
ng batang usa o gasela sa kabundukan.