1O babaeng maharlika,
napakaganda ng nakasandalyas
mong mga paa.
Ang hugis ng iyong mga hita
ay tulad ng mga alahas
na gawa ng isang bihasa.
2Ang pusod moʼy kasimbilog ng kopa
na hindi nauubusan ng hinalong alak.
Ang baywang moʼy bigkis ng trigo
na napapalibutan ng liryo.
3Ang dibdib moʼy tila kambal
na batang usa.
4Ang leeg moʼy parang tore
na gawa sa pangil ng elepante.
Ang mga mata moʼy kasinlinaw
ng batis sa Hesbon,
malapit sa pintuang-bayan ng Bet-rabim.
Ang ilong moʼy kasingganda
ng tore ng Lebanon na nakaharap
sa Damasco.
5Ang ulo moʼy kasingganda
ng Bundok ng Carmel.
Ang buhok moʼy kasingkintab
ng mga maharlikang kasuotan
at ang hariʼy nabihag
sa taglay nitong kagandahan.
6O napakaganda mo, aking sinta,
umaapaw ka sa kariktan.
7Ang tindig moʼy parang puno ng palma
at ang dibdib moʼy parang kumpol
ng mga bunga nito.
8At aking sinabi, “Aakyatin ko ang palma
at hahawak sa kanyang mga bunga.”
Ang iyong dibdib ay tulad
ng mga kumpol ng ubas
at ang samyo ng iyong hininga
ay kasimbango ng mansanas.
9Ang halik moʼy kasintamis
ng pinakamasarap na alak,
na dahan-dahang dumadaloy
sa mga labi at ngipin.
10Ako ay sa kanya lamang,
at ako lamang ang kanyang inaasam.
11Halika mahal ko,
pumunta tayo sa bukid
at doon magpalipas ng gabi,
sa tabi ng mga bulaklak ng henna.
12Maaga tayong gumising
at ating tingnan
kung namulaklak
at namunga na ang ubasan.
Tingnan din natin
kung namumukadkad na
ang mga pomegranata.
At doon, ipadarama ko sa iyo
ang aking pagmamahal.
13Maaamoy mo ang bango
ng mandragora,
at malapit sa ating pintuan
ay may mga piling hain
na prutas, luma at bago.
Sapagkat ang mga itoʼy
sadyang inihanda ko
para sa iyo, aking mahal.