The chat will start when you send the first message.
1Ngunit ikaw, Tito, ituro mo ang naaayon sa tamang katuruan.
2Ang mga nakatatandang lalaki ay turuan mong maging mahinahon, marangal, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag sila sa pananampalataya, sa pag-ibig at sa pagtitiis.
3Gayundin naman, ang mga nakatatandang babae ay turuan mong mamuhay na kalugod-lugod sa Diyos. Huwag silang maging mapanira sa kapwa, at huwag maging mahilig sa alak, at sa halip ay ituro nila sa iba ang mabuti.
4Sa gayon, matuturuan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak,
5maging mahinahon, malinis ang isipan, masipag sa gawaing-bahay, mabait, at nagpapasakop sa asawa, upang hindi mapintasan ang salita ng Diyos na ating itinuturo.
6Gayundin naman, hikayatin mo ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili.
7Sa lahat ng bagay, maging mabuti kang halimbawa sa kanila sa paggawa ng mabuti. Maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo.
8Tiyakin mong tama ang iyong itinuturo at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat saʼyo ay mapahiya dahil wala silang masabing masama sa atin.
9Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. Huwag silang maging palasagot sa kanilang amo,
10at huwag nilang pagnakawan ang mga ito, kundi ipakita nilang silaʼy lubusang mapagkakatiwalaan. Nang sa ganoon, maipapakita nila sa lahat ng kanilang ginagawa ang kagandahan ng ating mga itinuturo tungkol sa Diyos na ating Tagapagligtas.
11Sapagkat nahayag na ang kagandahang loob ng Diyos na nagbibigay ng kaligtasan sa lahat ng tao.
12Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Ito rin ang nagtuturo sa atin kung paano mamuhay sa mundong ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at maka-Diyos,
13habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.
14Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at linisin tayo upang maging bayang pag-aari niya na masigasig sa paggawa ng mabuti.
15Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong awtoridad sa paghikayat at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.