1Noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, nagpahayag ang Panginoon kay Propeta Zacarias na anak ni Berequias na anak ni Ido.
Sinabi niya,
2“Matindi ang galit ng Panginoon sa inyong mga ninuno.
3Kaya sabihin mo sa kanila: Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: ‘Magbalik-loob kayo sa akin at akoʼy babalik sa inyo,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.
4Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Silaʼy sinabihan ng mga propeta noon: Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: ‘Talikuran ninyo ang inyong masasamang pamumuhay at gawa.’ Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin.
5Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na.
6Ngunit hindi baʼt nangyari sa inyong mga ninuno ang mga sinabi ko pati ang mga tuntuning iniutos ko sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta?
“Kaya nagsisi sila at nagsabing, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoon ng mga Hukbo ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’ ”
7Sa ikadalawampuʼt apat na araw ng ikalabing-isang buwan, ang buwan ng Shebat, noong ikalawang taon ng paghahari ni Dario, nagpahayag ang Panginoon kay Propeta Zacarias na anak ni Berequias na anak ni Ido.[#1:7 : Ito ay hango sa kalendaryo ng Babilonia.]
8Isang gabi, nakita ko ang isang lalaking nakasakay sa kabayong kulay pula. Nakatayo siya sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya ay may mga kabayong kulay pula, kayumanggi, at puti.
9Itinanong ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga ito?”
At sinabi niya sa akin, “Ipapakita ko sa iyo ang ibig sabihin nito.”
10Ang taong nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ang siyang nagpaliwanag sa akin. Sinabi niya, “Ang mga mangangabayong iyon ay ipinadala ng Panginoon upang umikot sa buong mundo.”
11Iniulat ng mga mangangabayo sa anghel ng Panginoon na nakatayo malapit sa mga puno ng mirto, “Nalibot na namin ang buong mundo at nakita naming tahimik ito.”
12Sinabi ng anghel ng Panginoon , “Makapangyarihang Panginoon , hanggang kailan nʼyo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang iba pang bayan ng Juda? May pitumpung taon na po kayong galit sa kanila.”
13Ang isinagot ng Panginoon sa anghel ay magagandang salita at nakapagbigay ng kaaliwan.
14At sinabi ng anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ipahayag mo ang mensaheng ito: Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: ‘Labis ang paninibugho ko para sa Jerusalem at Zion,
15at matindi ang galit ko sa mga bansang akala ay ligtas sila. Hindi ako gaanong galit sa aking mamamayan noon, ngunit naging labis naman ang kasamaang ipinaranas ng mga bansa sa kanila.’
16“Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: ‘Babalik akong may awa sa Jerusalem, at itatayo kong muli ang lungsod na ito pati na ang aking templo,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.[#1:16 : O tutulong.; #1:16 : Sa literal, susukatin kita gamit ang taling panukat.]
17“Sinabi ng anghel na sabihin ko pa itong ipinasasabi ng Makapangyarihang Panginoon : ‘Uunlad muli ang aking mga bayan sa Juda. At aaliwin kong muli ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at muli ko itong ituturing na hinirang kong bayan.’ ”
18Pagkatapos, tumingala ako at nakita ko ang apat na sungay.
19Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano ang ibig sabihin ng mga sungay na ito?”
Sumagot siya, “Ang mga sungay ay ang mga bansang nagpakalat sa mga mamamayan ng Israel, Juda, at Jerusalem.”
20Pagkatapos, ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.
21Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?”
Sumagot siya, “Sisindakin nila at wawasakin ang mga sungay. Ang mga sungay na ito ay ang mga bansang lubusang nagwasak sa Juda at nagpangalat sa kanyang mga mamamayan.”