Zacarias 14

Ang Panginoon ay Maghahari sa Mundo

1Darating ang araw ng paghatol ng Panginoon . Paghahatian ng mga kaaway ang mga ari-ariang sinamsam nila sa Jerusalem habang nakatingin ang mga mamamayan nito.

2Titipunin niya ang lahat ng bansa upang labanan ang Jerusalem. Sasakupin nila ang lungsod na ito, lolooban ang mga bahay, at pagsasamantalahan ang mga babae. Ang kalahati ng mga mamamayan nito ay dadalhin sa ibang lugar, pero ang matitira sa kanila ay mananatili dito.

3Pagkatapos, makikipaglaban ang Panginoon sa mga bansang iyon, katulad ng ginawa niya sa panahon ng digmaan noon.

4Sa araw na iyon, tatayo siya sa Bundok ng mga Olibo, sa silangan ng Jerusalem. Mahahati ang bundok na ito mula sa silangan hanggang sa kanluran. Ang kalahati ng bundok ay lilipat pahilaga at ang kalahati naman ay lilipat patimog. At magiging malawak na lambak ang gitna nito.

5Tatakas ang mga mamamayan nito sa lambak na umaabot hanggang sa Azel. Tatakas sila katulad ng ginawa ng kanilang mga ninuno noong lumindol sa panahon ni Haring Uzias ng Juda. At darating ang Panginoon na kanilang Diyos kasama ang lahat ng mga anghel niya.

6Sa araw na iyon ay walang init o lamig.

7Magiging katangi-tangi ang araw na iyon, dahil walang gabi kundi panay araw lang. Ang Panginoon lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.

8Sa araw na iyon, dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa Jerusalem. Ang kalahati nitoʼy dadaloy sa Dagat na Patay at ang kalahatiʼy sa Dagat ng Mediteraneo. Patuloy itong dadaloy sa panahon ng tag-araw at taglamig.[#14:8 : Sa Hebreo, dagat sa silangan.; #14:8 : Sa Hebreo, dagat sa kanluran.]

9Ang Panginoon ang maghahari sa buong mundo. Siya lamang ang kikilalaning Diyos at wala nang iba.

10Gagawing kapatagan ang buong lupain mula sa Gibea hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Kaya mananatiling mataas ang Jerusalem sa kinaroroonan nito. At titirhan ito mula sa Pintuan ni Benjamin hanggang sa lugar na kinaroroonan ng Unang Pintuan, at hanggang sa Sulok na Pintuan; at mula sa Tore ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.

11Ang Jerusalem ay hindi na muling wawasakin, at ang mga mamamayan nito ay mamumuhay nang ligtas sa panganib.

12Ito ang salot na ipapadala ng Panginoon na mararanasan ng mga bansang sumalakay sa Jerusalem: Mabubulok ang kanilang mga laman habang nakatayo pa sila, ang kanilang mga mata sa lalagyan nito, at ang kanilang mga dila sa loob ng kanilang bibig.

13Sa araw na iyon, lubhang lilituhin ng Panginoon ang mga taong iyon. Ang bawat isa sa kanila ay sasalakay sa kanilang kapwa at maglalaban-laban.

14Makikipaglaban din ang Juda doon sa Jerusalem. Sasamsamin at titipunin nila ang mga kayamanan ng mga bansa sa palibot nila: ang napakaraming ginto, pilak at mga damit.

15Ganito ring salot ang darating sa lahat ng mga hayop sa kanilang kampo, pati na sa kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, at asno.

16Pagkatapos, ang lahat ng natitirang mga tao sa mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay pupunta sa Jerusalem taon-taon para sumamba sa Hari, ang Panginoon ng mga Hukbo, at upang makipag-isa sa pagdiriwang ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.

17Ang mga taong hindi pupunta sa Jerusalem para sumamba sa Hari, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay hindi padadalhan ng ulan.

18Ang mga taga-Ehiptong hindi pupunta sa Jerusalem ay padadalhan ng Panginoon ng isang uri ng salot na katulad ng salot na kanyang ipapadala sa mga bansang hindi pupunta para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.

19Iyan ang parusa sa Ehipto at sa lahat ng bansang hindi pupunta sa Jerusalem para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.

20Sa araw na iyon na sasamba ang mga bansa sa Panginoon , isusulat sa mga kampanilyang palamuti ng mga kabayo ang mga katagang, “Itinalaga sa Panginoon .” Ang mga lutuan sa templo ng Panginoon ay magiging kasimbanal ng mga mangkok na ginagamit sa altar.[#14:20 isusulat … : Ang ibig sabihin, ang mga kabayo ay hindi na gagamitin sa labanan sa halip ay gagamitin para sa pagdala ng mga tao sa pagsamba sa .]

21At ang bawat lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging banal para sa Panginoon ng mga Hukbo. Gagamitin ito ng mga naghahandog para paglutuan ng kanilang inihahandog. At sa araw na iyon, wala nang mga negosyante sa templo ng Panginoon ng mga Hukbo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.