Zacarias 4

Ang Lamparang Ginto at ang Dalawang Puno ng Olibo

1Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako dahil tila nakatulog ako.

2Tinanong niya ako, “Ano ang nakita mo?”

Sumagot ako, “Nakita ko ang isang gintong patungan ng ilawan. Sa itaas nito ay may mangkok na lalagyan ng langis. Sa paligid ng mangkok ay may pitong ilawan na ang bawat isa ay may pitong tubo na dinadaluyan ng langis.

3May dalawang puno ng olibo sa magkabila nito, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

4Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ba ang ibig sabihin ng mga iyan?”

5Sumagot ang anghel, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?”

Sumagot ako, “Hindi po.”

6Kaya sinabi niya sa akin, “Ito ang sasabihin mo kay Zerubabel mula sa Panginoon : ‘Hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu,’ sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.[#4:6 : Gobernador ng Juda nang panahong ipinatayong muli ang templo.; #4:6 : O espiritu o kapangyarihan.]

7“Kahit kasinlaki pa ng bundok ang hadlang na iyong haharapin, Zerubabel, magiging patag ito. At kapag ilalatag mo ang kahuli-hulihang bato, magsisigawan ang mga tao na magsasabi, ‘Panginoon , pagpalain nʼyo nawa ito.’”[#4:7 … ito : O Talagang napakaganda.]

8Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon :

9Si Zerubabel ang siyang nagtayo ng pundasyon ng Templo at siya rin ang tatapos nito. At dahil dito, malalaman ninyong ang Panginoon ng mga Hukbo ang nagsugo sa akin.

10May mga taong kumukutya dahil kakaunti pa lamang ang nagagawa sa pagpapatayo ng templo. Pero matutuwa sila kapag nakita na nilang inilalagay ni Zerubabel ang pinakahuli at natatanging bato sa templo.[#4:10 : O kapag nakita nila sa kamay ni Zerubabel ang taling panukat. Ang ibig sabihin, nagpapatuloy sa pagpapatayo ng templo sina Zerubabel.]

Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong ilawang iyan ay ang mata ng Panginoon na nagmamasid sa buong mundo.”

11Nagtanong ako sa anghel, “Ano ang ibig sabihin ng dalawang puno ng olibo – isa sa kanan at isa sa kaliwa ng lalagyan ng ilaw?

12“At ano ang ibig sabihin ng dalawang sanga ng punong olibo sa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis na kulay ginto?”

13Sinabi niya sa akin, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?”

Sumagot ako, “Hindi po.”

14Kaya sinabi niya sa akin, “Ang mga iyan ay kumakatawan sa dalawang taong pinili na maglilingkod sa Panginoon na naghahari sa buong mundo.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.