Zacarias 9

Parurusahan ng Diyos ang mga Bansang Kalaban ng Israel

1Ito ang pahayag ng Panginoon :

Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang mga lungsod ng Hadrac at Damasco, dahil ang lahat ng tao ay dapat sa kanya, lalo na ang mga lahi ng Israel.

2Parurusahan din ng Panginoon ang Hamat na malapit sa mga lungsod ng Hadrac at Damasco, pati na ang lungsod ng Tiro at Sidon, kahit pa napakahusay ng mga mamamayan nito.

3Ang mga taga-Tiro ay nagpatayo ng matitibay na pader at nag-ipon ng maraming pilak at ginto na para bang nagtatambak lang ng lupa.

4Ngunit kukunin ng Panginoon ang kanilang mga ari-arian at itatapon niya sa dagat ang kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lungsod ay tutupukin ng apoy.

5Makikita ito ng mga taga-Ashkelon at matatakot sila. Mamimilipit sa sakit ang mga taga-Gaza at ganoon din ang mga taga-Ekron dahil mawawala ang kanilang inaasahan. Mamamatay ang hari ng Gaza, at ang Ashkelon ay hindi na matitirhan.

6Ang Asdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo.

7Hindi na sila kakain ng karneng may dugo o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Diyos na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.[#9:7 : O iinom ng dugo.; #9:7 : Ang tubong mga mamamayan ng Jerusalem na sinakop ni David pagkatapos niyang agawin ang bayan (2 Sam. 5:6‑10).]

8Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.[#9:8 : O Jerusalem o bansang Israel.]

Ang Darating na Hari ng Jerusalem

9“Magalak kayo,

kayong mga mamamayan ng Zion!

Sumigaw kayo sa tuwa,

kayong nasa Jerusalem!

Sapagkat ang inyong hari ay darating na.

Matuwid siya at matagumpay.

Mapagpakumbaba siya,

at darating na nakasakay

sa bisirong asno.

10Ipapaalis niya ang mga karwahe

at mga kabayong pandigma

sa Israel at sa Juda.

Babaliin ang mga panang

ginagamit sa digmaan.

Ang haring darating

ay magdadala ng kapayapaan

sa mga bansa.

Maghahari siya

mula sa isang dagat hanggang

sa isa pang dagat,

at mula sa Ilog ng Eufrates

hanggang sa dulo ng mundo.

11At sa inyo naman,

dahil sa aking kasunduang pinagtibay ng dugo,

palalayain ko kayo sa pagkakakulong

sa balong walang tubig.

12Kayong mga binihag

na umaasang mapalaya,

bumalik na kayo sa inyong mga lugar

kung saan ligtas kayo.

Sinasabi ko ngayon sa inyo

na ibabalik ko nang doble

ang mga nawala sa inyo.

13Gagamitin kong parang pana

ang Juda at parang palaso ang Efraim.

Gagawin kong parang espada

ng kawal ang mga taga-Zion,

at lilipulin nila ang mga taga-Gresya.”

Tutulungan ng Diyos ang mga Taga-Israel

14Magpapakita ang Panginoon sa itaas

ng kanyang mga mamamayan.

Ang kanyang panaʼy

kikislap tulad ng kidlat.

Patutunugin ng Makapangyarihang Panginoon

ang trumpeta;

at darating siyang kasama

ng bagyong mula sa timog.

15Iingatan sila

ng Panginoon ng mga Hukbo.

Lulusubin nila ang kanilang mga kaaway

gamit ang mga batong pantirador,

at silaʼy magtatagumpay.

Mag-iinuman sila at magsisigawan

na parang mga lasing.

Mabubusog sila katulad ng mangkok

na punong-puno ng dugo,

at ibinuhos sa mga sulok ng altar.

16Ililigtas sila ng Panginoon

na kanilang Diyos

sa araw na iyon bilang kanyang kawan.

Magniningning sila sa lupain

katulad ng mga mamahaling batong

kumikislap sa korona.

17Silaʼy magiging kabigha-bighani

at napakaganda!

Ang mga binataʼy lalakas

dahil sa saganang butil

at ang mga dalagaʼy yayabong

dahil sa matatamis na alak.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.