Mga Awit 2

Ang Haring Pinili ni Yahweh

1Bakit nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?[#Gw. 4:25-26.]

Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?

2Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,

hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:

3Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;

dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”

4Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,

lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.

5Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;

sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,

6“Doon sa Zion, sa bundok na banal,

ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”

7“Ipahahayag ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,[#Gw. 13:33; Heb. 1:5; 5:5.]

‘Ikaw ang aking anak,

mula ngayo'y ako na ang iyong ama.

8Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,

maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.

9Dudurugin mo sila ng tungkod na bakal;[#Pah. 2:26-27; 12:5; 19:15.]

tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”

10Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,

ang babalang ito'y unawain ninyo:

11Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,

sa paanan ng kanyang anak

12yumukod kayo't magparangal,

baka magalit siya't bigla kayong parusahan.

Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society