ECLESIASTES 1

Ang mangangaral ay nagsasabing ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.

1Ang mga salita ng Mangangaral, na anak ni David, hari sa Jerusalem.[#tal. 2, 12; Ec. 7:27; 12:8-10.; #tal. 12.]

2Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan.[#Ec. 12:10.; #Rom. 8:20.; #Awit 62:9; 144:4.]

3Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kaniyang gawa, na kaniyang ginagawa sa ilalim ng araw?[#Ec. 3:9; 5:16.]

4Isang salin ng lahi ay yumayaon, at ibang salin ng lahi ay dumarating; nguni't ang lupa ay nananatili magpakailan man.[#Awit 104:5; 119:90.]

5Ang araw naman ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at nagmamadali sa dakong sinisikatan nito.[#Awit 19:5-6.]

6Ang hangin ay yumayaon sa dakong timugan, at pumipihit sa hilagaan: at laging pumipihit na patuloy, at ang hangin ay bumabalik uli ayon sa kaniyang pihit.[#Juan 3:8.]

7Lahat ng mga ilog ay humuhugos sa dagat, gayon ma'y hindi napupuno ang dagat; sa dakong hinuhugusan ng mga ilog, doon din nagsisihugos uli ang mga yaon.[#Awit 104:8-9; Job 38:8.]

8Lahat ng mga bagay ay puspos ng pagaalapaap; hindi maisasaysay ng tao: ang mata ay hindi nasisiyahan ng pagtingin, ni ang tainga man ay nasisiyahan sa pakikinig.[#Kaw. 27:20.]

9Yaong nangyari ay siyang mangyayari; at yaong nagawa ay siyang magagawa: at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.[#Ec. 3:15.]

10May bagay ba na masasabi ang mga tao, Tingnan mo, ito'y bago? nayari nga sa mga panahon na una sa atin.

11Walang alaala sa mga dating lahi ; ni magkakaroon man ng alaala sa mga huling salin ng lahi na darating, sa mga yaon na darating pagkatapos.

12Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.[#tal. 1; Ec. 2:7, 9.]

13At inihilig ko ang aking puso na hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat na nagawa sa silong ng langit: mahirap na pagdaramdam na ito ang ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao, upang pagsanayan.[#tal. 17.; #Gen. 3:19; Ec. 3:10.]

14Aking nakita ang lahat na gawa, na nagawa sa ilalim ng araw; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.[#Ec. 2:11, 17, 26; 4:4.]

15Ang baluktot ay hindi matutuwid: at ang kulang ay hindi mabibilang.[#Ec. 7:13.]

16Ako'y sumangguni sa aking sariling puso, na sinasabi ko, Narito, nagtamo ako sa akin ng malaking karunungan ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: oo, ang puso ko'y nagtaglay ng malaking kabihasnan sa karunungan at kaalaman.[#1 Hari 3:12; 4:30.]

17At inihilig ko ang aking puso na makaalam ng karunungan, at makaalam ng kaululan at ng kamangmangan: aking nahalata na ito man ay nauuwi sa wala.[#tal. 13; Ec. 2:3, 12; 7:23, 25.]

18Sapagka't sa maraming karunungan at maraming kapanglawan: at siyang nananagana sa kaalaman ay nananagana sa kapanglawan.[#Ec. 12:12.]

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society