The chat will start when you send the first message.
1Ngayon, mga kapatid, nais kong maunawaan ninyo ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu.
2Alam naman ninyo na noong hindi pa kayo nakakakilala sa Diyos, iniligaw kayo upang sumamba sa mga diyos-diyosang hindi naman nakakapagsalita.
3Kaya gusto kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabi, “Sumpain si Hesus!” At wala ring taong makapagsasabi na, “Si Hesus ay Panginoon,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.
4May ibaʼt iba tayong kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung pinagmulan nito.
5May ibaʼt ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran natin.
6Mayroong ibaʼt ibang mga kakayahan upang magsagawa ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Diyos na nagbibigay ng lahat ng mga kakayahang ito.
7May mga kakayahang ipinagkaloob sa bawat isa sa atin na nagpapakita na nasa atin ang Espiritu, at ang mga itoʼy palaging para sa kapakinabangan ng buong iglesya.
8Sa isaʼy ipinagkaloob ng Espiritu ang kakayahang magsalita nang may karunungan, at sa isa naman ay ang kakayahang magpaliwanag nang may kaalaman.
9Ang ibaʼy pinagkalooban ng dakilang pananampalataya sa Diyos, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang magpagaling ng mga maysakit. Galing sa iisang Espiritu ang lahat ng ito.
10Ang ibaʼy pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at ang iba namaʼy binigyan ng kakayahang magpropesiya. Mayroon namang pinagkalooban ng kakayahang makilala kung alin ang galing sa Espiritu. Sa ibaʼy ipinagkaloob ang kakayahang magsalita sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan, at sa iba naman ay ang kakayahang maipaliwanag ang sinasabi sa mga wikang iyon.
11Ngunit iisang Espiritu lamang ang nagbigay ng lahat ng ito, at ipinamamahagi niya sa bawat tao ayon sa kanyang kagustuhan.
12Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming bahagi, ngunit ang maraming bahagi na ito ay bumubuo sa iisa pa ring katawan. Gayundin naman ang mga mananampalatayang bumubuo sa katawan ni Kristo.
13Tayong lahat, Hudyo man o Hentil, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu para maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat.
14Ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi lamang kundi ng maraming bahagi.
15Kaya kung sasabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako bahagi ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi na ito bahagi ng katawan.
16At kung sasabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako bahagi ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi na ito bahagi ng katawan.
17Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lamang tainga, paano ito makakaamoy?
18Ngunit nilikha ng Diyos ang ating katawan na may ibaʼt ibang bahagi ayon sa kanyang nais.
19Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang bahagi, matatawag pa ba itong katawan?
20Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, ngunit iisang katawan lamang ito.
21Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.”
22Ang totoo, ang mga bahagi ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan.
23Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga bahaging hindi maganda ay ating pinapaganda.
24Hindi na kailangang pagandahin ang mga bahaging maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal,
25upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan; sa halip, magkaroon ang bawat bahagi ng pagmamalasakit sa isaʼt isa.
26Kaya kung nasasaktan ang isang bahagi ng katawan, ang ibang bahagi ay nasasaktan din. At kung ang isang bahagi ay pinararangalan, ang ibang bahagi ay natutuwa rin.
27Kayong lahat ang bumubuo sa katawan ni Kristo, at ang bawat isaʼy bahagi nito.
28At naglagay ang Diyos sa iglesya ng ibaʼt ibang mga bahagi: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga maysakit, mga tumutulong sa iba, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan.
29Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kakayahang gumawa ng mga himala,
30magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan o magpaliwanag ng mga ito.
31Ngunit sikapin ninyong makamtan ang mas mahalagang mga kaloob.
At ngayon ay ituturo ko sa inyo ang pinakamabuting paraan sa lahat.