1 Mga Taga-Corinto 4

Mga Apostol ni Kristo

1Kaya dapat ituring ninyo kami ni Apolos bilang mga lingkod ni Kristo na pinagkatiwalaan ng Diyos na mangaral ng katotohanang inilihim niya.

2At ang katiwalaʼy dapat maging tapat.

3Hindi mahalaga sa akin kung ano ang iniisip ninyo o ng sinuman tungkol sa akin, ni hindi ko rin hinahatulan ang sarili ko.

4Kung sabagay, malinis ang aking konsensiya, ngunit hindi ito nangangahulugan na wala akong kasalanan. Ang Panginoon lamang ang makapagsasabi kung tama o mali ang aking ginagawa.

5Kaya huwag kayong humatol nang wala sa takdang panahon. Hintayin ninyo ang pagbabalik ng Panginoon. Pagdating niya, ilalantad niya ang lahat ng mga pinakatagong lihim at mga pagnanasa ng bawat isa. At sa panahong iyon, tatanggapin ng bawat isa ang papuring mula sa Diyos.

6Mga kapatid, ginamit kong halimbawa ang aking sarili at si Apolos upang matutunan ninyo ang ibig sabihin ng kasabihang, “Huwag ninyong higitan ang sinasabi ng Kasulatan.” Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang isa at sabihing mas mabuti siya kaysa sa iba.

7Bakit sinasabi ninyong nakakahigit kayo sa iba? Ano ba ang mayroon kayo na hindi nagmula sa Diyos? Kung ang lahat ng nasa inyoʼy nagmula sa Diyos, bakit nagmamalaki kayo na parang galing mismo sa inyo ang mga ito?

8Inaakala ninyong nasa inyo na ang lahat ng inyong kailangan, na mayayaman na kayo at naghahari na nang wala kami. Sana ngaʼy naghahari na kayo nang makapaghari naman kaming kasama ninyo.

9Sa tingin ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Diyos na parang pinakahamak sa lahat ng tao. Para kaming mga taong nahatulan nang mamatay, na ipinaparada sa harap ng buong mundo, sa mga tao at pati sa mga anghel.

10Dahil kay Kristo, itinuturing kaming mga hangal, ngunit kayo naman ay nag-aakalang marurunong kayo sapagkat nakay Kristo kayo! Kami ay mahihina, at kayo ay malalakas! Kayo ay iginagalang, habang kami naman ay hinahamak!

11Maging sa oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, nagkukulang sa damit na maisuot, pinagmamalupitan, at walang matuluyan.

12Nagtatrabaho kami nang husto para mabuhay. Kung nilalait kami ng mga tao, pinagpapala namin sila. Kung kami ay inuusig, tinitiis namin ito.

13Kung kami ay sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, itinuturing kaming mga basura sa mundo.

Ang mga Apela at Babala ni Pablo

14Hindi ko sinusulat ang mga ito para ipahiya kayo, kundi para paalalahanan kayo bilang mga minamahal kong mga anak.

15Sapagkat kahit na libu-libo ang gumagabay sa inyo sa inyong pamumuhay Kristiyano, hindi naman ganoon karami ang inyong ama sa pananampalataya. Ako lamang ang naging ama ninyo sa pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo.

16Kaya nakikiusap ako na tularan ninyo ako sa aking pamumuhay.

17At dahil nga rito, pinapapunta ko diyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang tungkol sa pamumuhay ko kay Kristo Hesus, na siya ring itinuturo ko sa lahat ng iglesya saan mang lugar na pinupuntahan ko.

18Ang ilan sa inyo ay nagmamataas na dahil akala nilaʼy hindi na ako pupunta riyan.

19Ngunit kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon. At titingnan ko kung ano ang magagawa ng mga tao diyan na mayayabang magsalita.

20Sapagkat malalaman natin kung ang isang tao ay pinaghaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at hindi sa salita lamang.

21Ngayon, ano ang gusto ninyo: Darating akong may pamalo o mahinahon at may pag-ibig?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.