The chat will start when you send the first message.
1Hindi ba ako apostol? Hindi ba ako malaya? Hindi baʼt nakita ko mismo ang ating Panginoong Hesus? Hindi baʼt kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa Panginoon?
2Hindi man ako kilalanin ng iba bilang apostol, alam kong kikilalanin ninyo ako dahil kayo mismo ang katunayan ng aking pagiging apostol, at dahil sa akin kaya ngayon kayo ay nasa Panginoon.
3Ngayon, ito ang isasagot ko sa mga taong sumusuri sa akin.
4Wala ba kaming karapatang mabigyan ng pagkain at inumin?
5Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang mananampalataya, tulad ng ginagawa ng mga kapatid sa Panginoon, ni Pedro, at ng iba pang mga apostol?
6Kami lang ba ni Bernabe ang kinakailangang magtrabaho para sa aming ikabubuhay?
7Mayroon bang sundalong gumagastos sa sarili niyang paglilingkod? Mayroon bang nagtatanim na hindi nakikinabang sa mga bunga nito? At mayroon bang nag-aalaga ng kambing na hindi nakikinabang sa gatas nito?
8Ang sinasabi kong ito ay hindi lamang opinyon ng tao, kundi itinuturo mismo ng Kautusan.
9Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik.” Ang mga baka lamang ba ang tinutukoy dito ng Diyos?[#9:9 Deu. 25:4.]
10Hindi. Maging tayo ay tinutukoy niya, kaya ito isinulat. Sapagkat ang nag-aararo at ang gumigiik ay umaasang makakabahagi sa aanihin.
11Nagtanim kami sa inyo ng mga espirituwal na pagpapapala. Kalabisan ba kung umani naman kami ng mga materyal na pagpapala sa inyo?
12Kung ang iba ay may karapatang tumanggap ng suporta mula sa inyo, hindi baʼt lalo na kami?
Gayunpaman, hindi namin kailanman ginamit ang karapatang ito. Sa halip, tiniis namin ang lahat para sa ganoon ay walang maging hadlang sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Kristo.
13Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa altar ay tumatanggap din ng parte sa mga bagay na inialay sa altar?
14Sa ganito rin namang paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Magandang Balita ay dapat tumulong sa mga pangangailangan ng mga nangangaral ng Magandang Balita upang mabuhay sila.
15Ngunit hindi ko ginamit ang karapatan kong iyan. At hindi ako sumusulat sa inyo para magbigay kayo sa akin ng tulong. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sa maalis ang karapatan kong ipagmalaki ito.
16Hindi ko ipinagmamalaki ang pangangaral ko ng Magandang Balita, dahil tungkulin ko ito. Nakakaawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Magandang Balita!
17Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, may maaasahan akong gantimpala. Ngunit ang totoo, ginagawa ko lamang ang aking tungkulin dahil ito ang gawaing ipinagkatiwala ng Diyos sa akin.
18Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang itinuturing kong gantimpala ay ang kaligayahan na akoʼy hindi nagpapabayad sa aking pangangaral ng Magandang Balita, kahit may karapatan akong tumanggap ng bayad sa pangangaral ko nito.
19Kahit na malaya akong tao at hindi isang alipin, nagpaalipin ako sa lahat para lalo pa akong makahikayat ng mas maraming tao na sasampalataya kay Kristo.
20Kapag kasama ko ang mga kapwa ko Hudyo, namumuhay ako bilang Hudyo upang mahikayat ko silang sumampalataya kay Kristo. Kahit hindi ako nasa ilalim ng Kautusan, sinusunod ko ito upang ang mga nasa ilalim nito ay madala ko sa pananampalataya.
21Kapag kasama ko naman ang mga Hentil, namumuhay ako bilang Hentil upang madala sila sa pananampalataya. Hindi nangangahulugan na hindi ko na sinusunod ang mga kautusan ng Diyos, dahil ang totoo, sinusunod ko ang mga kautusan ni Kristo.
22Sa mga mahihina ang pananampalataya, nakikibagay ako upang mapatatag ko ang kanilang pananampalataya. Nakikibagay ako sa lahat ng tao, para sa kahit anong paraan ay mailigtas ko ang ilan sa kanila.
23Ginagawa ko ang lahat ng ito sa ikalalaganap ng Magandang Balita, upang makabahagi rin ako sa mga pagpapala nito.
24Alam ba ninyong isa lamang ang nananalo sa isang paligsahan kahit na marami ang sumasali dito? Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo para makamit ninyo ang gantimpala.
25Ang bawat manlalaro ay nagsasanay nang mabuti at dinidisiplina ang sarili para makamit ang gantimpala. Ginagawa niya ito para sa gantimpalang hindi nagtatagal. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay magtatagal magpakailanman.
26Kaya nga, may direksiyon ang aking pagtakbo. Hindi lamang ako sumusuntok sa hangin.
27Dinidisiplina ko ang aking katawan at sinusupil ko ang masasamang pagnanasa nito, dahil baka pagkatapos kong ipangaral ang Magandang Balita sa iba ay ako pa ang hindi makatanggap ng gantimpala mula sa Diyos.