1 Pedro 3

1Kayong mga babae, magpasakop kayo sa inyong kanya-kanyang asawa, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita.

2Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Diyos at malinis ang pamumuhay ninyo.

3Huwag ninyong pagkaabalahan ang kagandahang panlabas tulad ng pag-aayos ng buhok, pagsusuot ng mga alahas na palamuti sa katawan, at pagsusuot ng mamahaling mga kasuotan.

4Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinahon kayo at maging mabait. Ito ang mahalaga sa paningin ng Diyos.

5Sapagkat noong unang panahon, ito ang pagpapagandang ginawa ng mga banal na babaeng umaasa sa Diyos. At nagpasakop sila sa kani-kanilang mga asawa.

6Katulad ni Sara, sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang panginoon. Mga anak na kayo ni Sara, kaya dapat matuwid ang ginagawa nʼyo, at huwag kayong matakot.

7Kayo namang mga lalaki, pakisamahan ninyong mabuti ang inyong asawa, dahil ito ang nararapat bilang isang Kristiyano. Igalang nʼyo sila bilang mga babaeng mas mahina kaysa sa inyo, dahil binigyan din sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan katulad ninyo. Kapag ginawa nʼyo ito, sasagutin ng Diyos ang mga panalangin ninyo.

Pagdurusa dahil sa Paggawa ng Mabuti

8Bilang pagtatapos, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa.

9Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na pagpalain sila ng Diyos, dahil pinili kayo ng Diyos na gawin ito, at upang pagpalain din niya kayo.

10Sapagkat sinasabi ng Kasulatan:

“Ang sinumang nagnanais

ng maligaya at masaganang pamumuhay

ay hindi dapat magsalita ng masama

at iwasang magsabi ng kasinungalingan.

11Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.

Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.

12Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid,

at sinasagot niya ang kanilang mga panalangin,

ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”

13Sino ang mananakit sa inyo kung masigasig kayong gumagawa ng mabuti?

14Ngunit kahit na maghirap kayo dahil sa paggawa ng tama, mapalad kayo. Kaya “huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong kabahan.”[#3:14 Isa. 8:12.]

15Alalahanin nʼyong si Kristo ang dapat ninyong parangalan ng buong puso at sundin bilang Panginoon. Dapat palagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo.

16At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensiya, upang mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga alagad ni Kristo.

17Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Diyos, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama.

18Sapagkat si Kristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang ginawang masama. At minsan lamang siyang namatay upang mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa ating mga makasalanan, upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay ang kanyang katawan ngunit binuhay siya ayon sa Espiritu.

19At sa kalagayan niyang espirituwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo,

20na hindi sumunod sa Diyos noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Diyos ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig.

21Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesu-Kristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Diyos na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya.

22Si Hesu-Kristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Diyos, at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.[#3:22 : Ang ibig sabihin, “si Hesus ang pinakadakila at pinakamakapangyarihan sa lahat.”]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.