The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ni Samuel sa lahat ng Israelita, “Sinunod ko ang mga hiniling ninyo sa akin; binigyan ko kayo ng hari na mamumuno sa inyo.
2Ngayon, may hari na kayo bilang inyong pinuno. Matanda na ako, at maputi na ang aking buhok. At ang mga anak ko ay naglilingkod sa inyo. Naging pinuno nʼyo na ako mula pa noong kabataan ko.
3Narito ako ngayon sa harapan ninyo. Kung may nagawa akong masama sa inyo sabihin ninyo sa akin sa presensya ng Panginoon at ng kanyang piniling hari. May kinuha ba akong baka o asno sa sinuman sa inyo? May dinaya o ginipit ba ako sa inyo? Tumanggap ba ako ng suhol para balewalain ang kasalanang nagawa nang sinuman? Kung mapapatunayan ninyo na nagawa ko ang isa man sa mga bagay na ito, pananagutan ko ito.”
4Sumagot ang mga tao, “Hindi po ninyo kami dinaya o ginipit man. Wala rin po kayong kinuhang anuman sa kahit kanino sa amin.”
5Sinabi ni Samuel sa kanila, “Sa araw na ito, saksi ang Panginoon at ang kanyang piniling hari na wala kayong maisusumbat sa akin.”
Sumagot ang mga tao, “Opo, saksi ang Panginoon .”
6Sinabi ni Samuel, “Ang Panginoon ang pumili kina Moises at Aaron na maging pinuno ng inyong mga ninuno, at siya rin ang naglabas sa kanila sa Ehipto.
7Ngayon tumayo kayo sa presensya ng Panginoon dahil ipapaalala ko sa inyo ang mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno.
8“Noong nasa Ehipto pa ang lahi ni Jacob, humingi sila ng tulong sa Panginoon . Ipinadala ng Panginoon sina Moises at Aaron na naglabas sa kanila sa Ehipto at nagdala sa kanila sa lupaing ito.
9“Ngunit kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Diyos kaya hinayaan ng Panginoon na matalo sila ni Sisera na kumander ng mga sundalo ng Hazor, ng mga Filisteo at ng hari ng Moab.
10Humingi na naman sila ng tulong sa Panginoon at sinabi, ‘Nagkasala kami, Panginoon . Tinalikuran namin kayo at sumamba sa mga imahen ni Baal at ni Astoret. Ngunit ngayon, iligtas nʼyo po kami sa kamay ng mga kalaban namin at sasambahin namin kayo.’
11Pagkatapos, isinugo ng Panginoon sina Gideon, Barak, Jefta at Samuel; at iniligtas namin kayo sa kamay ng mga kalaban ninyo na nakapalibot sa inyo at namuhay kayo nang ligtas sa anumang kapahamakan.[#12:11 : Sa Hebreo, Jerubaal.; #12:11 : Sa ibang manuskrito at sa Syriac; sa Hebreo, Bedan.; #12:11 : Hebreo; sa ibang manuskritong Septuagint at Syriac, Samson.]
12“Ngunit nang salakayin kayo ni Haring Nahas ng mga Amonita, humingi kayo sa akin ng haring mamumuno sa inyo, kahit na ang Panginoon na inyong Diyos ang siyang hari ninyo.
13Ngayon, narito na ang pinili ninyong hari, gaya ng hiningi ninyo. Hayan, binigyan na kayo ng Panginoon ng mamumuno sa inyo.
14Kung kayo at ang hari ninyo ay mamumuhay nang may takot sa Panginoon , susunod sa mga utos niya, at maglilingkod sa kanya, walang masamang mangyayari sa inyo.
15Ngunit kung hindi kayo susunod sa Panginoon at sa mga utos niya, parurusahan niya kayo gaya ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.
16“Manatili kayo sa kinaroroonan ninyo at saksihan ang kamangha-manghang bagay na gagawin ng Panginoon sa inyong harapan.
17Hindi baʼt panahon ngayon ng pag-aani ng trigo at hindi umuulan? Mananalangin ako sa Panginoon na magpakulog at magpaulan, at nang mapag-isip-isip ninyo kung gaano kasama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon nang humingi kayo ng hari.”
18Nanalangin nga si Samuel sa Panginoon , at nang araw ding iyon ay nagpakulog at nagpaulan ang Panginoon . Kaya ang lahat ng tao roon ay nagkaroon ng matinding takot sa Panginoon at kay Samuel.
19Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin nʼyo po kami sa Panginoon na iyong Diyos upang hindi kami mamatay, dahil dinagdagan namin ang aming mga kasalanan nang humingi kami ng hari.”
20Sumagot si Samuel, “Huwag kayong matakot. Kahit na nakagawa kayo ng masama, huwag ninyong talikuran ang Panginoon , sa halip ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso.
21Huwag kayong bumaling sa mga walang kuwentang diyos-diyosan. Hindi sila makakatulong o makakapagligtas sa inyo, dahil wala silang silbi.
22Alang-alang sa kanyang pangalan, hindi kayo pababayaan ng Panginoon . Ikinalulugod niyang gawin kayong mga mamamayan niya.
23“Tungkol naman sa akin, hindi ako titigil ng pananalangin sa Panginoon para sa inyo dahil kung magkaganoon, magkakasala ako sa Panginoon . Tuturuan ko rin kayong mamuhay nang tama at matuwid.
24Ngunit dapat kayong magkaroon ng takot sa Panginoon at maglingkod sa kanya nang tapat at buong puso. Alalahanin ninyo ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa inyo.
25Ngunit kung magpapatuloy kayo sa paggawa ng masama, kayo at ang hari ninyo ay lilipulin.”