The chat will start when you send the first message.
1Umalis si David sa Gat, at tumakas papunta sa kuweba ng Adulam. Nang mabalitaan ito ng mga kapatid at kapamilya ni David, pinuntahan nila ito doon.
2Sumama na rin kay David ang mga taong nababahala, lubog sa utang, at hindi kontento sa buhay. Umabot sa 400 ang kanilang bilang at si David ang naging pinuno nila.
3Mula roon, pumunta si David sa Mizpa na sakop ng Moab at sinabi niya sa hari ng Moab, “Puwede po bang dito muna manirahan ang aking mga magulang hanggaʼt hindi ko pa natitiyak kung ano ang kalooban ng Diyos sa akin.”
4Pumayag ang hari, kaya iniwan niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab habang nandoon siya sa matatag na kublihan.
5Isang araw, sinabi ni Propeta Gad kay David, “Umalis ka na rito sa pinagtataguan mo at pumunta ka sa Juda.” Umalis nga si David at pumunta sa kagubatan ng Heret.
6Nabalitaan ni Saul na nahanap na sina David at ang kanyang mga tauhan. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko, doon sa burol ng Gibea. May hawak siyang sibat at nakapalibot sa kanya ang kanyang mga opisyal.
7Sinabi ni Saul sa kanila, “Makinig kayo, mga taga-Benjamin! Pinangakuan ba kayo ng anak ni Jesse na bibigyan nʼya kayo ng bukid at ubasan? Pinangakuan ba niya kayong gagawin kayong kumander ng mga sundalo?
8Iyan ba ang dahilan kung bakit nakipagsabwatan kayo sa kanya laban sa akin? Wala ni isa man sa inyo ang nagsabi sa akin na gumawa ng kasunduan sa anak ni Jesse ang anak kong si Jonatan. Hindi man lang kayo nag-alala para sa akin, dahil hindi ninyo sinabi sa akin na inudyukan ng aking anak ang lingkod kong si David na patayin ako gaya ng plano niya ngayon.”
9Isa sa mga nakatayo kasama ng mga opisyal ni Saul ay si Doeg na taga-Edom. Sinabi niya kay Saul, “Noong naroon po ako sa Nob, nakita ko ang anak ni Jesse na pumunta kay Ahimelec na anak ni Ahitob.
10Tinanong ni Ahimelec sa Panginoon kung ano ang dapat gawin ni David, at binigyan pa po niya ito ng makakain at ibinigay din po ang espada ng Filisteong si Goliat.”
11Ipinatawag ni Haring Saul ang paring si Ahimelec na anak ni Ahitob at ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya na mga pari sa Nob, at silang lahat ay pumunta sa kanya.
12Pagdating nila, sinabi ni Saul, “Makinig ka sa akin, anak ni Ahitob.”
“Nakikinig po ako, Mahal na Hari,” sagot ni Ahimelec.
13Sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit ka nakipagsabwatan sa anak ni Jesse laban sa akin? Bakit binigyan mo pa siya ng pagkain at espada? Bakit nagtanong ka pa sa Diyos para sa kanya? Hindi mo ba alam na nagrerebelde siya sa akin at binabalak niya akong patayin?”
14Sumagot si Ahimelec sa hari, “Hindi po baʼt si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong lingkod? Bukod pa roon, siya po ang kapitan ng mga guwardiya ninyo at iginagalang siya sa inyong sambahayan.
15Opo, nagtanong ako sa Diyos para sa kanya, pero matagal ko na itong ginagawa sa kanya noon pa. Nakikiusap po ako, mahal na hari, huwag ninyo akong akusahan pati na ang sambahayan ko sa bagay na ito, dahil wala akong nalalaman sa mga plano niya laban sa inyo.”
16Ngunit sinabi ng hari, “Siguradong mamamatay ka, Ahimelec, kasama ang buo mong pamilya.”
17Inutusan ni Saul ang mga guwardiya sa kanyang tabi, “Patayin ninyo ang mga paring ito ng Panginoon dahil nakipagsabwatan sila kay David. Alam nilang tumakas si David mula sa akin pero hindi nila sinabi sa akin.”
Ngunit hindi ginalaw ng mga opisyal ng hari ang mga pari ng Panginoon .
18Kaya si Doeg na lang ang inutusan ng hari na pumatay sa mga pari, at pinatay naman sila ni Doeg. Nang araw na iyon 85 lalaki na nakasuot ng efod ang pinatay.
19Pinatay din niya ang lahat ng nakatira sa Nob, ang bayan ng mga pari: ang mga lalaki, babae, kabataan, sanggol, baka, asno, at mga tupa.
20Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at sumáma kay David.
21Sinabi niya kay David na ipinapatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon .
22Sinabi ni David kay Abiatar, “Nang makita ko noon si Doeg nang pumunta ako kay Ahimelec, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Kaya pananagutan ko ang pagkamatay ng buong sambahayan mo.
23Sumama ka na lang sa akin, dahil iisa lang ang gustong pumatay sa iyo at sa akin. Huwag kang matakot. Hindi ka mapapahamak kapag kasama mo ako.”