The chat will start when you send the first message.
1Ang ipinalit ng mga mamamayan ng Juda kay Amazias bilang hari ay ang anak nitong si Uzias na labing-anim na taóng gulang.[#26:1 : O Azarias.]
2Siya ang bumawi ng Elat at ang muling pinatayo ito para sa Juda matapos mamatay ang ama niyang si Amazias.
3Si Uzias ay labing-anim na taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampuʼt dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem.
4Matuwid ang ginawa ni Uzias sa paningin ng Panginoon , katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazias.
5Dumulog siya sa Diyos nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Diyos. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon , binibigyan siya nito ng katagumpayan.
6Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader ng Gat, Jabne at Asdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Asdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo.
7Tinulungan siya ng Diyos sa kanyang pakikipaglaban sa mga Filisteo, Meunita at sa mga Arabo na nakatira sa Gur-baal.
8Nagbabayad ng buwis ang mga Amonita sa kanya, at naging tanyag siya hanggang sa Ehipto, dahil naging makapangyarihan siya.
9Pinatatag pa ni Uzias ang Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga tore sa Sulok na Pintuan, sa Pintuan na Nakaharap sa Lambak, at sa likuan ng pader.
10Nagpatayo rin siya ng mga tore sa ilang at nagpahukay ng mga balon na imbakan ng mga tubig, dahil marami ang kanyang mga hayop sa mga kaburulan sa kanluran at sa kapatagan. May mga tauhan siya na nag-aalaga sa kanyang bukirin at ubasan sa kabundukan at sa kapatagan, dahil mahilig siyang magtanim.
11May mahuhusay na sundalo si Uzias na laging handa sa labanan. Silaʼy binuo nina Jeiel na kalihim at Maasias na opisyal, sa ilalim ng pamamahala ni Hananias na isa sa mga opisyal ng hari.
12Ang mga kumander ng matatapang na sundalo ay ang mga pinuno ng mga pamilya na 2,600 lahat.
13Ang kabuuang bilang ng mga sundalo ay 307,500. Silaʼy mahuhusay sa labanan at handa sa pagtulong sa hari laban sa mga kaaway niya.
14Binigyan sila ni Uzias ng mga pananggalang, sibat, helmet, kasuotang panangga ng katawan, pana at tirador.
15Nagpagawa rin si Uzias sa mahuhusay na manggagawa ng makina upang gamitin sa pamamana at sa paghahagis ng malalaking bato mula sa mga tore at sa mga sulok ng mga pader ng Jerusalem. Naging tanyag si Uzias kahit saan, dahil tinulungan siya ng Panginoon hanggang sa naging makapangyarihan siya.
16Ngunit nang naging makapangyarihan siya, naging mayabang siya. At ito ang nagpabagsak sa kanya. Nagkasala siya sa Panginoon na kanyang Diyos, dahil pumasok siya sa Templo ng Panginoon at personal na nagsunog ng insenso sa altar.
17Sinundan siya ni Azarias na punong pari at ng walumpu pang matatapang na mga pari ng Panginoon ,
18at sinaway. Sinabi nila, “Uzias, hindi ka dapat magsunog ng insenso para sa Panginoon . Ang gawaing iyan ay para lang sa mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Sila ang pinili upang magsunog ng insenso para sa Panginoon . Lumabas ka sa Templo dahil nagkasala ka sa iyong ginawa. Hindi ka pagpapalain ng Panginoong Diyos.”
19Labis na nagalit si Uzias sa mga pari. At habang hawak niya ang sisidlan ng insenso sa may altar sa Templo ng Panginoon , tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang kanyang noo.[#26:19 : Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.]
20Nang makita ni Azarias at ng mga kasama niyang pari na tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang noo ni Uzias, nagmadali silang ilabas ito. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siyaʼy pinarusahan ng Panginoon .
21May malubhang sakit sa balat si Haring Uzias hanggang sa araw na namatay siya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay, at hindi pinayagang makapasok sa Templo ng Panginoon . Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo at sa mga mamamayan ng Juda.
22Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Uzias, mula sa simula hanggang sa katapusan ay isinulat ni Propeta Isaias na anak ni Amoz.
23Nang mamatay si Uzias, inilibing lang siya malapit sa libingan ng mga ninuno niyang hari dahil may malubhang sakit siya sa balat. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.