The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos ng dalawampung taóng pagpapatayo ni Solomon ng Templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo,
2muli niyang ipinatayo ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatirhan sa mga Israelita.
3Ito rin ang panahong nilusob ni Solomon at inagaw ang Hamat-zoba.
4Ipinatayo rin niyang muli ang Tadmor na nasa disyerto at ang mga lungsod sa Hamat na pinaglalagyan ng kanyang mga pangangailangan.
5Pinatibay niya ang itaas at ibabang bahagi ng Bet-horon. Pinaligiran niya ito ng mga pader at pinalagyan ng pintuan na may mga kandado.
6Ganito rin ang ginawa niya sa Baalat at sa iba pang mga lungsod na lagayan ng kanyang mga pangangailangan, mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng gusto niyang ipatayo sa Jerusalem, Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.
7May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ang mga lahi ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at mga Jebuseo,
8na hindi nalipol ng mga Israelita. Ginawa silang alipin ni Solomon at sapilitang pinagtrabaho, at nanatili silang alipin hanggang ngayon.
9Ngunit hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya itong kanyang mga sundalo, mga kapitan ng kanyang mga sundalo at mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo.
10Ang 250 sa kanilaʼy ginawa ni Solomon na mga opisyal na namamahala ng mga gumagawa sa kanyang mga proyekto.
11Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa na anak ng Faraon, inilipat niya ang kanyang asawa roon mula sa Lungsod ni David. Sapagkat sinabi niya, “Hindi puwedeng tumira ang asawa ko sa palasyo ni Haring David, dahil banal ang lugar na iyon dahil naroon dati ang Kahon ng Panginoon .”[#8:11 : O hari ng Ehipto.]
12Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon sa altar na kanyang ipinatayo sa harapan ng balkonahe ng Templo.
13Tinupad niya ang utos ni Moises na maghandog ayon sa nararapat na ihandog araw-araw at sa panahon ng Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan, at ng tatlong pista na ipinagdiriwang taon-taon: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng Pag-aani, at Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.
14At ayon sa tuntunin ng ama niyang si David, pinagbukod-bukod niya ang mga pari at mga Levita para sa kanilang mga gawain. Ang mga Levita ang nangunguna sa mga tao sa pagpupuri sa Diyos at sila ang tumutulong sa mga pari sa kanilang gawain araw-araw. Ibinukod din niya ang mga tagapagbantay ng bawat pintuan, dahil ito ang utos ni David na lingkod ng Diyos.
15Sinunod ni Solomon ang lahat ng utos ni Haring David tungkol sa mga pari at mga Levita at sa mga bodega.
16Natapos ang lahat ng ipinagawa ni Solomon sa Templo ng Panginoon , mula sa paglalagay ng pundasyon nito hanggang sa matapos ito.
17Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion-geber at Elat, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom.
18Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko na pinamahalaan ng sarili niyang mga opisyal na bihasang mandaragat. Naglakbay sila kasama ng mga tauhan ni Solomon papuntang Ofir. At sa pagbalik nila, may dala silang mga 16 na toneladang ginto, at dinala nila ito kay Haring Solomon.