The chat will start when you send the first message.
1Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Diyos ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot.
2Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali, ang malinis at ang marumi, ang naghahandog at ang hindi naghahandog.[#9:2 : Wala ito sa Hebreo, pero makikita sa ibang mga lumang teksto.; #9:2 : Ang mga karapat-dapat at hindi karapat-dapat makisama sa mga seremonyang panrelihiyon ng Israel.]
Pareho lang ang matuwid
at ang makasalanan
at pareho lang din ang sumusumpa
at hindi sumusumpa.
3Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya.
4Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, “Mas mabuti pa ang buháy na aso kaysa sa patay na leon.”
5Ang totoo,
alam ng buháy na tao
na mamamatay siya.
Pero ang patay
ay walang nalalaman.
Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap
at kahit ang kanyang pangalan
ay makakalimutan.
6Ang pag-ibig nila, poot
at inggit noong nabubuhay pa ay wala na.
At wala na rin silang malay
sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.
7Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Diyos na gawin mo.
8Palagi ka sanang maging maligaya.[#9:8 : Sa literal, magsuot ka ng puting damit at pahiran mo ng langis ang ulo mo.]
9Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Diyos dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo.
10Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala nang trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala nang pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.
11Mayroon pa akong nakita rito sa mundo:
Hindi lahat ng mabibilis
ay nananalo sa takbuhan,
at hindi lahat ng malalakas
ay nananalo sa labanan.
Hindi rin lahat ng matatalino
ay nagkakaroon ng hanapbuhay,
hindi lahat ng marurunong
ay nagiging mayaman
at hindi rin lahat ng may kakayahan
ay nagtatagumpay.
Dahil ang bawat tao
ay may kanya-kanyang kapalaran.
12Ngunit hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras.
Tulad siya ng isang ibong nabitag
o ng isdang nahuli sa lambat.
Biglang dumarating sa tao
ang masamang pagkakataon
na para siyang nahuli
sa isang patibong.
13Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan.
14May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan.
15Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya.
16Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin.
17Ang marahang salita ng marunong
ay mas magandang pakinggan
kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal.
18Mas makapangyarihan ang karunungan
kaysa sa mga sandata ng digmaan.
Pero ang isang makasalanan
ay makakasira ng maraming kabutihan.