Exodus 10

Ang Salot ng mga Balang

1Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon dahil pinatigas ko ang puso niya at ng mga opisyal niya, upang patuloy kong maipakita sa kanila ang aking mga himala.

2At maikuwento ninyo sa mga anak at apo ninyo kung paano ko pinarusahan ang mga Ehipsiyo at kung paano ako gumawa ng mga himala sa kanila. Sa ganitong paraan, malalaman nilang ako ang Panginoon .”

3Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka pa ba magmamataas sa akin? Paalisin mo ang aking mga mamamayan upang makasamba sila sa akin.

4Kung hindi mo sila paaalisin, magpapadala ako ng mga balang sa iyong bansa bukas.

5Sa sobrang dami nila, hindi na makikita ang lupa. Kakainin nila ang mga pananim na hindi nasira ng pag-ulan ng yelo, maging ang lahat ng punongkahoy.

6Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Ehipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya.

7Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan tayo bibigyan ng problema ng taong ito? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, upang makasamba na sila sa Panginoon na kanilang Diyos. Hindi nʼyo ba nakikitang wasak na wasak na ang buong Ehipto?”

8Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis upang makasamba kayo sa Panginoon na inyong Diyos. Ngunit sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.”

9Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa Panginoon .”

10Sinabi ng Faraon, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung papayagan kong umalis kayo kasama ang inyong mga asawaʼt anak! Malinaw na may masama kayong intensyon.

11Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis na sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon.

12Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong tungkod sa Ehipto upang dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”

13Kaya itinaas ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang

14at dumagsa ito sa buong Ehipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Ehipto at hindi na magkakaroon pang muli.

15Dumagsa ang mga ito sa buong Ehipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Ehipto.

16Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Diyos at sa inyo.

17Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Diyos na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.”

18Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon .

19Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Ehipto.

20Ngunit pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.

Ang Salot ng Kadiliman

21Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit upang mabalot ng kadiliman ang buong Ehipto.”

22Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Ehipto sa loob ng tatlong araw.

23Walang lumabas na mga Ehipsiyo sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Ngunit may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita.

24Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, sumamba na kayo sa Panginoon . Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.”

25Ngunit sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin upang makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Diyos.

26Dadalhin namin ang mga hayop namin; walang maiiwan kahit isa sa kanila. Sapagkat hindi namin alam kung anong hayop ang ihahandog namin sa Panginoon . Malalaman lang namin ito kapag naroon na kami.”

27Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya sila pinaalis.

28Sinabi ng Faraon kay Moises, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita.”

29Sumagot si Moises, “Kung iyan ang gusto mo, hindi na ako muling magpapakita sa iyo.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.