Exodus 26

Ang Tabernakulo

(Exo. 36:8‑38)

1“Magpagawa ka ng Tabernakulo gamit ang sampung piraso ng tabing na gawa sa hinabing pinong lino at lanang asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin sa mahusay na mambuburda.

2Kailangang magkakasukat ang lahat ng tabing, apatnapuʼt dalawang talampakan ang haba at anim na talampakan ang lapad.

3Pagdugtong-dugtungin ito ng tiglilima.

4At pagawan mo ng parang singsing na gawa sa telang asul ang pinakadulong gilid ng bawat pinagdugtong na tabing,

5limampung parang singsing sa isang tabing at limampu rin sa isa pa, at ang mga ito ay kailangang magkatapat sa isaʼt isa.

6Magpagawa ka ng limampung kawit na ginto upang mapagkabit ang parang mga singsing sa dalawang pinagdugtong na tabing. Sa pamamagitan nito, magiging buo ang Tabernakulo.

7“Pagawan mo ng talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito.

8Kailangang may haba na apatnapuʼt limang talampakan ang bawat tela at anim na talampakan ang lapad.

9Pagdugtong-dugtungin mo ang limang tela at ganoon din ang gawin sa natirang anim. Ang ikaanim naman ay tutupiin at ilalagay sa harap ng tolda.

10Palagyan mo rin ng limampung parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela.

11Pagkatapos ay gumawa ka ng limampung tansong kawit at ilagay ang mga ito sa mga silo para idugtong sa tolda.

12Ilaylay mo sa likod ng Tolda ang kalahati ng sobrang tela,

13at ilaylay din sa bawat gilid ang isaʼt kalahating talampakan ng tela na sobra sa pangtalukbong ng Tolda.

14Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.[#26:14 : Maaaring ang ibig sabihin, balat ng mga malalaking isdang pandagat.]

15“Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya.

16Ang haba ng bawat tabla ay labinlimang talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan.

17Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa upang maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla.

18Ang dalawampu sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi.

19Ang mga tablang ito ay isinuksok sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla.

20Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng dalawampung tabla,

21at isinuksok din sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla.

22Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla,

23at dalawang tabla sa mga gilid nito.

24Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid.

25Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa labing-anim na patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla.

26“Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga: lima para sa bahaging hilaga ng Tolda,

27lima rin sa bahaging timog, at lima rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda.

28Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo.

29Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga.

30“Kailangang ipatayo mo ang Tabernakulo ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok.

31“Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula, at hinabing pinong lino. At paburdahan mo ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda.

32Ipasabit mo ito sa apat na haliging yari sa akasya at nababalutan ng ginto gamit ang mga kawit na ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na patungang gawa sa pilak.

33Kapag naisabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar.

34Ilagay mo ang takip ng kapatawaran sa Kahon ng Kasunduan na nasa Pinakabanal na Lugar.

35Ilagay mo ang mesa sa labas ng tabing, sa hilagang bahagi ng Tolda, at ang ilawan sa bandang timog na tapat ng mesa.

36“Para sa pintuan ng bakuran, palagyan mo ng tabing na tatlumpung talampakan ang haba na gawa sa lanang asul, ube at pula at hinabing pinong lino. At binurdahan ng mambuburda.

37Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang patungang tanso.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.