Ezekiel 21

Ang Espada ng Paghahatol ng Panginoon

1Sinabi sa akin ng Panginoon ,

2“Anak ng tao, humarap ka sa Jerusalem at magpropesiya ka laban sa Israel at sa mga sambahan nito.

3Sabihin mo sa kanila na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito: Kalaban ko kayo, mamamayan ng Israel! Bubunutin ko ang aking espada at papatayin ko kayong lahat, mabuti man o masama.

4Oo, papatayin ko kayong lahat, matuwid man o masama, mula sa timog hanggang sa hilaga.

5At malalaman ng lahat na ako ang Panginoon . Binunot ko na ang aking espada at hindi ko ito ibabalik sa lalagyan hanggaʼt hindi natatapos ang pagpatay nito.

6“Kaya anak ng tao, umiyak ka nang may pagdaramdam at kapaitan. Iparinig sa kanila ang pag-iyak mo.

7Kapag tinanong ka nila kung bakit ka umiiyak, sabihin mong dahil sa balitang lubhang nakakatakot, nakakapanghina, nakakayanig at nakakahimatay. Hindi magtatagal at mangyayari ito, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

8Sinabi pa ng Panginoon sa akin,

9“Anak ng tao, sabihin mo ang ipinasasabi ko sa mga tao. Sabihin mo, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon :

Hinasa ko na ang aking espada

upang kayoʼy patayin.

10Pinakintab ko ito nang husto

upang kuminang na parang kidlat.

“ ‘Ngayon, matutuwa pa ba kayo? Kukutyain pa ba ninyo ang mga turo at pagdidisiplina ko sa inyo?

11Hinasa ko naʼt pinakintab ang espada,

at nakahanda na itong gamitin

sa pagpatay.

12Anak ng tao, umiyak ka nang malakas

at dagukan mo ang iyong dibdib

dahil ang espadang iyon ang papatay

sa mga mamamayan kong Israel,

pati na sa kanilang mga pinuno.

13“ ‘Isang pagsubok ito sa mga mamamayan ko. Huwag nilang iisipin na hindi ko gagawin ang pagdidisiplinang ito na kinukutya nila, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .’

14Kaya, anak ng tao,

sabihin mo ang ipinasasabi ko

sa iyo.

Isuntok mo ang iyong kamao

sa iyong palad sa galit,

at kumuha ka ng espada

at itaga ito ng dalawa o tatlong ulit.

Ito ang tanda na marami sa kanila

ang mamamatay sa digmaan.

15Manginginig sila sa takot

at maraming mamamatay sa kanila.

Ilalagay ko ang espada

sa pintuan ng kanilang lungsod

upang silaʼy patayin.

Kumikislap ito na parang kidlat

at handang pumatay.

16O espada, tumaga ka

sa kaliwa at sa kanan.

Tumaga ka kahit saan ka humarap.

17Isusuntok ko rin ang aking kamao

sa aking palad,

nang sa gayoʼy mapawi ang galit ko.

Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.”

18Sinabi sa akin ng Panginoon :

19“Anak ng tao, gumawa ka ng mapa at iguhit mo ang dalawang daan sa mapa na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na may dalang espada. Ang daang iguguhit mo ay magsisimula sa Babilonia. Maglagay ka ng karatula sa kanto ng magkasangang dalawang daan patungo sa lungsod.

20Ang isa ay papuntang Rabba, ang kabisera ng Amon at ang isa naman ay papuntang Jerusalem, ang kabisera ng Juda na napapalibutan ng mga pader.

21Sapagkat tatayo ang hari ng Babilonia sa kanto ng dalawang daan na naghiwalay at aalamin niya kung aling daan ang dadaanan niya sa pamamagitan ng palabunutan ng mga palaso, pagtatanong sa mga diyos-diyosan, at pagsusuri sa atay ng hayop na inihandog.

22Ang mabubunot ng kanyang kamay ay ang palasong may tatak na Jerusalem. Kaya sisigaw siya at mag-uutos na salakayin ang Jerusalem at patayin ang mga mamamayan doon. Maglalagay siya ng malalaking troso na pangwasak ng pintuan ng Jerusalem. Tatambakan nila ng lupa ang tabi ng pader ng lungsod upang makaakyat sila sa pader.

23Akala ng mga taga-Jerusalem, ito ay isang hula na hindi magkakatotoo dahil may kasunduan sila sa Babilonia. Ngunit ipapaalala ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kasalanan nila at pagkatapos ay tatangayin silang bihag.

24“Kaya ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : ‘Ang inyong kasalanan ay nahayag at ipinakita ninyo ang inyong pagiging rebelde at makasalanan. At dahil sa ginagawa ninyong ito, ipapabihag ko kayo.

25“ ‘Ikaw na masama at makasalanang pinuno ng Israel, dumating na rin ang oras ng pagpaparusa sa iyo.

26Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Alisin mo ang turban at korona mo dahil ngayon, magbabago na ang lahat. Ang mga hamak ay magiging makapangyarihan at ang mga makapangyarihan ay magiging hamak.

27Wawasakin ko ang Jerusalem! Hindi ito maitatayong muli hanggang sa dumating ang pinili ko na maging hukom nito. Sa kanya ko ito ipagkakatiwala.’

28“At ikaw anak ng tao, sabihin mo sa mga Amonita na humahamak sa mga taga-Israel na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito sa kanila:

‘Ang espada ay handa nang pumatay,

hinugot na ito para pumaslang.

Pinakintab ko na ito

at kumikislap na parang kidlat.

29Hindi totoo ang pangitain nila

tungkol sa espada.

Ang totoo,

handang-handa na ang espada

sa pagputol ng leeg

ng mga taong masama.

Dumating na ang oras

ng kaparusahan nila.

30“ ‘Ibabalik ko kaya

ang espada sa lalagyan nito

nang hindi ko kayo napaparusahan?

Hindi!

Parurusahan ko kayo

sa sarili ninyong bansa,

sa lugar na kung saan kayo ipinanganak.

31Ibubuhos ko sa inyo ang matindi kong galit

at ibibigay ko kayo sa malulupit na mga tao

na bihasang pumatay.

32Magiging panggatong kayo sa apoy,

at ang inyong mga dugo

ay dadanak sa inyong lupa

at hindi na kayo maaalala pa.

Sapagkat ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.