Ezekiel 24

Ang Tanda ng Kalderong Kinakalawang

1Noong ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon :

2“Anak ng tao, isulat mo ang petsa ng araw na ito dahil ngayon magsisimula ang paglusob ng hari ng Babilonia sa Jerusalem.

3Pagkatapos, sabihin mo ang talinghagang ito sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel at ipaalam sa kanila: ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon :

Isalang mo ang kaldero;

lagyan mo ng tubig ang loob nito.

4Lagyan mo ng magandang klase ng karne

na mula sa parteng balikat at pata

at isama ang mga buto nito.

5Ang pinakamagandang karne lang ng tupa

mula sa kawan ang gamitin mo.

Gamitan mo ng kahoy na panggatong

para sa mga buto-buto.

Pagkatapos, pakuluan mo itong mabuti

kasama ang mga buto.

6“ ‘Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi:

Kahabag-habag ang lungsod ng Jerusalem

na ang mga mamamayan

ay mamamatay-tao.

Ang lungsod na itoʼy tulad

ng kalderong kinakalawang

at hindi nililinis.

Kaya isa-isa mong kunin

ang mga bahagi ng laman nito.

Huwag kang mamimili.

7“ ‘Sapagkat ang pagpatay niya

ay alam ng lahat:

Ang dugo ng mga taong pinatay niya

ay hinayaan niyang dumanak

sa ibabaw ng mga bato

at itoʼy nakikita ng lahat.

Hindi niya ito tinabunan ng lupa.

8Nakita ko iyon at hinayaan kong

makita iyon ng lahat.

Ang dugong iyon ay parang sumisigaw

sa akin na ipaghiganti ko sila.

9“ ‘Kaya ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon :

Kahabag-habag ang lungsod ng Jerusalem

na ang mga mamamayan

ay mamamatay-tao.

Mag-iipon ako ng mga panggatong

upang silaʼy sunugin.

10Sige, dagdagan pa ninyo ang panggatong

at sindihan nang mag-apoy.

Pakuluan ninyo ang karne

at lagyan ng pampalasa ang sabaw

at pagkatapos ay sunugin ang mga buto.

11Pagkatapos, ipatong ninyo

ang kalderong wala nang laman

sa mga baga hanggang sa magbaga rin ito.

At sa ganitong paraan, malulusaw ang mga dumi nito

at masusunog pati ang mga kalawang.

12Ngunit kahit ganito ang gawin mo,

hindi pa rin maaalis ng apoy ang kalawang.

13“ ‘O Jerusalem, ang kahalayan mo ang dumungis sa iyo. Pinagsikapan kong linisin ka, ngunit ayaw mong magpalinis. Kaya mananatili kang marumi hanggaʼt hindi ko naibubuhos ang matinding galit ko sa iyo.

14“ ‘Ako, ang Panginoon , ay nagsasabing, dumating na ang panahon ng aking pagpaparusa at walang makapipigil sa akin. Hindi na kita kahahabagan at hindi na magbabago ang isip ko. Hahatulan kita ayon sa iyong pamumuhay at mga ginawa, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .’ ”

Namatay ang Asawa ni Ezekiel

15Sinabi sa akin ng Panginoon :

16“Anak ng tao, sa isang iglap ng salot ay kukunin ko ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa ni iiyakan.

17Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha para ipakitang ikaʼy nagluluksa. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”

18Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon .

19Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?”

20Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Makapangyarihang Panginoon :

21Sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon : Nakahanda na akong dungisan ang aking Templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem.

22At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan.

23Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa.

24Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Makapangyarihang Panginoon .’

25“Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang Templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak,

26may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari.

27Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.