Ezekiel 8

Ang Pagsamba sa mga Diyos-diyosan sa Templo

1Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan, nang ikaanim na taon ng aming pagkabihag, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Panginoon . Nakaupo ako noon sa bahay ko at nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Juda.

2May nakita akong parang isang tao. Mula baywang pababa, para siyang apoy at mula naman baywang pataas ay para siyang makintab na metal.

3Iniunat niya ang kanyang parang kamay at hinawakan ako sa buhok. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Diyos, itinaas ako ng Espiritu sa kalawakan at dinala sa Jerusalem, sa bandang hilaga ng pintuan ng bakuran sa loob ng Templo, sa kinalalagyan ng diyos-diyosan na naging sanhi ng paninibugho ng Diyos.

4Nakita ko roon ang kapangyarihan ng Diyos ng Israel, tulad ng nakita ko sa kapatagan.

5Pagkatapos, sinabi ng Diyos sa akin, “Anak ng tao, tumingin ka sa hilaga.” Tumingin ako at nakita ko sa tapat ng pinto malapit sa altar ang diyos-diyosan na siyang lubhang nagpagalit sa Diyos.

6Sinabi sa akin ng Diyos, “Anak ng tao, nakita mo ba ang ginagawa ng mga mamamayan ng Israel? Nakita mo ba ang kasuklam-suklam na ginagawa nila rito upang palayasin ako sa aking Templo? Ngunit may makikita ka pang higit na kasuklam-suklam na bagay.”

7Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng bakuran ng Templo at nang tumingin ako, mayroon akong nakitang butas sa pader.

8Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lakihan mo pa ang butas ng pader.” Pinalaki ko iyon at nakita ko ang isang pintuan.

9Muli niyang sinabi sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa nila.”

10Kaya pumasok ako at nakita kong nakaukit sa buong pader ang lahat ng uri ng hayop na gumagapang, mga hayop na itinuturing na marumi at lahat ng mga diyos-diyosan ng mga mamamayan ng Israel.

11Nakatayo roon ang pitumpung pinuno ng Israel at isa sa kanila si Jaazanias na anak ni Safan. Ang bawat isa sa kanilaʼy may hawak na lalagyan ng insenso at ang usok ay pumapaitaas.

12Sinabi sa akin ng Diyos, “Anak ng tao, nakita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga pinuno ng Israel? Ang bawat isa sa kanilaʼy nasa silid ng kanyang diyos-diyosan. Sinasabi nilang hindi na nakatingin sa kanila ang Panginoon at itinakwil na niya ang Israel.”

13Sinabi pa ng Diyos, “Makikita mo pa ang mas kasuklam-suklam nilang ginagawa.”

14Pagkatapos, dinala ako ng Panginoon sa pintuan ng Templo sa hilaga at nakita ko roon ang mga babaeng nakaupo at umiiyak para sa diyos-diyosang si Tamuz.

15Sinabi sa akin ng Panginoon , “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na bagay kaysa riyan.”

16Pagkatapos, dinala niya ako sa loob ng bakuran ng Templo ng Panginoon . At doon sa pintuan ng Templo, sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may dalawampuʼt limang tao. Nakatalikod sila sa Templo at nakaharap sa silangan at nakayuko na sumasamba sa araw.

17Pagkatapos, sinabi ng Diyos sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? Pangkaraniwan na lang ba sa mga taga-Juda ang paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay dito? Maliban diyan, ginagawa pa nila ang mga karahasan sa buong bansa, kaya lalo pa nila akong ginagalit. Tingnan mo ang mga paglapastangan nila sa akin.

18Kaya matitikman nila ang galit ko. Hindi ko sila kahahabagan. Kahit sumigaw pa sila sa paghingi ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.