The chat will start when you send the first message.
1Kaya dapat na nating iwanan ang mga panimulang aralin tungkol kay Kristo, at magpatuloy na sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Diyos,
2mga aral tungkol sa seremonya ng paglilinis, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Diyos sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman.
3At kung loloobin ng Diyos, magpatuloy nga tayo sa malalalim na aralin.
4Sapagkat hindi na muling mapapagsisi at mapapanumbalik sa Diyos ang mga tumalikod sa kanilang pananampalataya. Nooʼy naliwanagan na ang kanilang isip, naranasan nila ang mga biyaya mula sa langit, at silaʼy naging bahagi ng mga tumanggap sa Banal na Espiritu.
5Naranasan rin nila ang kabutihang dulot ng salita ng Diyos, at nadama ang kapangyarihang ihahayag sa huling araw.
6Ngunit sa kabila nitoʼy tinalikuran nila ang Diyos. Ang mga ganyang tao ay imposible nang makapagsisi pa at tumalikod sa kanilang mga kasalanan; sapagkat sa pagtalikod nila sa Diyos ay para na rin nilang ipinakong muli ang Anak ng Diyos sa krus at inilagay sa kahihiyan.
7Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Diyos, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka.
8Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, maituturing na wala itong pakinabang, at nararapat lamang na pabayaan ng magsasaka at bandang huli ay susunugin.
9Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, naniniwala kaming nasa mas mabuti kayong kalagayan tungkol sa inyong kaligtasan.
10Makatarungan ang Diyos, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa hinirang ng Diyos.[#6:10 : Sa Griyego, , na ang ibig sabihin ay “itinuring ng Diyos na kanya.”]
11Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa ninyo sa Diyos hanggang sa wakas, upang makamtan ninyo ang inyong inaasam.
12Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga taong tumatanggap ng mga ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.
13Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Diyos kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya.
14Sinabi niya, “Tiyak na pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”[#6:14 Gen. 22:16‑17.]
15At matapos ang matiyagang paghihintay ni Abraham, natanggap niya ang mga ipinangako ng Diyos sa kanya.
16Kapag nangangako ang mga tao, nanunumpa sila sa pangalan ng Diyos na nakahihigit sa kanila upang paniwalaan sila at wala nang anumang usapin pa.
17Ganito rin ang ginawa ng Diyos noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang kanyang pangako.
18At ang dalawang bagay na ito: Ang pangako niya at panunumpa ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Diyos. Kaya tayong mga nakatagpo ng kanyang kalinga ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin.
19Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. Dinadala tayo nito sa Pinakabanal na Lugar na nasa likod ng tabing,
20kung saan nauna nang pumasok si Hesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedec.