1Ito ang sinasabi ng Panginoon :
“Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran
dahil malapit ko na kayong iligtas.
2Mapalad ang mga taong gumagawa nito,
ang taong nagpapanatili nito,
Mapalad silang mga sumusunod
sa mga ipinapagawa ko
sa Araw ng Pamamahinga
at hindi nilalapastangan ito.
Mapalad din ang taong
hindi gumagawa ng masama.”
3Huwag isipin ng mga dayuhang nag-alay
ng kanilang sarili sa Panginoon
na hindi sila ibibilang ng Panginoon
sa kanyang mga mamamayan.
Huwag ding isipin
ng mga opisyal na nagpakapon
na dahil hindi na sila magkakaanak,
ay hindi sila maaaring ibilang
sa mga mamamayan ng Diyos.
4Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon ,
“Pagpapalain ko ang mga opisyal nagpakapon
na sumusunod sa mga ipinapagawa ko
sa Araw ng Pamamahinga
at gumagawa ng mga bagay
na nakakalugod sa akin,
at tumutupad sa aking kasunduan.
5Papayagan ko silang makapasok sa aking Templo
at pararangalan ko sila nang higit pa
sa karangalang ibibigay sa kanila
kung silaʼy nagkaanak.
At hindi sila makakalimutan
ng mga tao magpakailanman.
6Pagpapalain ko rin
ang mga dayuhang nag-alay
ng sarili nila sa Panginoon
para paglingkuran ako, mahalin,
sambahin, at sundin ang aking ipinapagawa
sa Araw ng Pamamahinga,
hindi ito nilalapastangan,
at tumutupad sa aking kasunduan.
7Dadalhin ko sila
sa aking banal na bundok
at aaliwin doon sa aking templong dalanginan.
Tatanggapin ko sa aking altar
ang kanilang mga handog na sinusunog
at iba pang mga handog,
sapagkat ang aking bahay ay tatawaging
bahay-panalanginan ng mga tao
mula sa lahat ng bansa.”
8Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon
na nagtipon sa mga Israelitang nabihag,
“Titipunin ko pa ang iba,
maliban doon sa mga natipon ko na.”
9Lumapit kayo at lipulin sila,
kayong lahat ng mga bansa
na tulad ng mababangis na hayop.
10Sapagkat ang mga pinuno ng Israel,
silang mga tagapagbantay at mga pastol,
ay parang mga bulag at mga walang nalalaman.
Para silang mga asong hindi tumatahol.
Ang gusto nilaʼy mahiga,
matulog, at managinip.
11Para silang mga asong matatakaw
na walang kabusugan.
Ang mga tagapag-alaga ng Israel
ay walang pang-unawa.
Ang bawat isa sa kanilaʼy gumagawa
ng kahit anong gusto nila,
at ang pansariling kapakanan lang
ang kanilang pinagkakaabalahan.
12Sinabi pa nila, “Halikayo,
kumuha tayo ng inumin
at maglasing!
Ang bukas ay tulad lang din ng sa ngayon,
o di kayaʼy mas mabuti pa.”