The chat will start when you send the first message.
1Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon , kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon.
2Noong panahong iyon, may isang lalaki na ang pangalan ay Manoa. Kabilang siya sa lahi ni Dan, at nakatira siya sa Zora. Ang asawa niya ay baog kaya wala silang anak.
3Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Ngunit hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki.
4Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi.
5Mabubuntis ka at manganganak ng isang lalaki. Huwag mong gugupitan ang buhok niya sapagkat sa sinapupunan pa lamang ay itatalaga na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Sisimulan niya ang pagligtas sa Israel sa mga Filisteo.”
6Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Diyos na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya.
7Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Diyos bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”
8Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon , kung maaari po, pabalikin ninyo sana ang taong isinugo nʼyo upang turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”
9Pinakinggan ng Diyos ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Diyos sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid.
10Mabilis niyang hinanap ang asawa niya at sinabi, “Manoa, halika! Narito ang tao na nagpakita sa akin noong isang araw.”
11Tumayo si Manoa at sumunod sa kanyang asawa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, “Kayo ba ang nakipag-usap sa asawa ko?”
Sumagot siya, “Oo.”
12Nagtanong si Manoa sa kanya, “Kung matutupad ang sinabi nʼyo, ano po ba ang mga dapat sundin ng batang ito patungkol sa kanyang pamumuhay at sa kanyang gawain?”
13Sumagot ang anghel ng Panginoon , “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya.
14Hindi siya dapat kumain ng anumang mula sa ubas. Hindi rin siya dapat uminom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. Kailangang sundin niya ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”
15Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon , “Huwag po muna kayong umalis dahil magkakatay kami ng batang kambing para sa inyo.”
16Sumagot ang anghel ng Panginoon , “Kahit hindi ako umalis, hindi ko kakainin ang pagkaing inihanda mo. Mabuti pa kung maghahanda ka ng handog na sinusunog para sa Panginoon .” (Hindi alam ni Manoa na anghel pala iyon ng Panginoon .)
17Nagtanong si Manoa sa anghel ng Panginoon , “Ano po ang pangalan nʼyo, upang maparangalan po namin kayo sa oras na matupad ang sinabi nʼyo?”
18Sumagot ang anghel ng Panginoon , “Bakit gusto mong malaman ang pangalan ko? Masyado itong kamangha-mangha para maunawaan mo.”
19Pagkatapos, kumuha si Manoa ng batang kambing at inihandog niya bilang pagpaparangal sa Panginoon , at inilagay niya ito sa ibabaw ng altar na bato para sa Panginoon . Gumawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay Habang nakatitig si Manoa at ang asawa niya.
20Nakita nila ang anghel ng Panginoon na pumaitaas sa langit kasama ng naglalagablab na apoy. Dahil sa nakita nila, lumuhod sila at nagpatirapa sila sa lupa.
21Hindi na muling nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanila. Doon napagtanto ni Manoa na anghel ng Panginoon pala iyon.
22Sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo dahil nakita natin ang Diyos.”
23Ngunit sumagot ang kanyang asawa, “Kung gusto ng Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang mga handog natin. Hindi rin sana niya ipinakita sa atin ang himala o sinabi sa atin ang tungkol sa sanggol.”
24Dumating ang panahon na nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang anak niya at pinangalanan nila siyang Samson. Pinagpala ng Panginoon ang sanggol habang lumalaki.
25Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang kumilos sa kanya habang naroon siya sa Mahane Dan, sa kalagitnaan ng Zora at Estaol.[#13:25 : Ang ibig sabihin, kampo ni Dan.]