Mga Hukom 17

Ang mga diyos-diyosan ni Micas

1May isang lalaking nakatira sa kaburulan ng Efraim na ang pangalan ay Micas.

2Isang araw, sinabi niya sa kanyang ina, “Narinig ko pong isinumpa nʼyo ang kumuha ng inyong isang libo at isang daang pirasong pilak. Narito ang pilak, ako po ang kumuha.”

Sinabi ng kanyang ina, “Anak, pagpalain ka sana ng Panginoon .”

3Ibinalik ni Micas ang isang libo at isang daang pirasong pilak sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang ina, “Inihahandog ko itong pilak sa Panginoon para sa kapakanan ng aking anak. Gagamitin ko ito para magpagawa ng mga imahen ng diyos-diyosan na yari sa kahoy at bakal. Kaya ibinabalik ko itong pilak saʼyo.”

4Pagkatapos, kumuha siya ng dalawandaang piraso ng pilak at ibinigay sa platero. Ginamit ito ng platero para gumawa ng mga imaheng yari sa kahoy at bakal. Nang natapos na, inilagay niya ang mga ito sa bahay ni Micas.

5May sariling sambahan si Micas at nagpagawa siya ng efod at mga diyos-diyosan. At ginawa niyang pari ang isa sa mga anak niyang lalaki.

6Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.

7May isang binatilyong Levita mula sa Bethlehem na sakop ng Juda. Siya ay nakikitira sa lahi ni Juda.

8Isang araw, umalis siya upang maghanap ng matitirhan sa ibang lugar. Sa kanyang pag-alis, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kaburulan ng Efraim.

9Tinanong siya ni Micas, “Taga-saan ka?”

Sumagot siya, “Taga-Bethlehem po ako, na sakop ng Juda, at isa po akong Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan.”

10Sinabi ni Micas, “Sa akin ka na lang tumira. Gagawin kitang tagapayo ko at pari. At bawat taon, bibigyan kita ng sampung pirasong pilak, bukod pa sa mga damit at pagkain.”

11Kaya pumayag ang Levita na makitira sa kanya, at ang binata ay itinuring niyang isa sa kanyang mga anak.

12Ginawa siyang pari ni Micas at doon pinatira sa kanyang bahay.

13Sinabi ni Micas, “Ngayon, natitiyak kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil may pari na akong Levita.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.