The chat will start when you send the first message.
1Sa mga panahong iyon, wala pang hari ang Israel.
Nooʼy may isang Levita na nakatira sa malayong bahagi ng kaburulan ng Efraim. Ang Levitang ito ay nakapag-asawa ng isang alipin na taga-Bethlehem sa Juda.
2Ngunit ang babaeng ito ay nagtaksil sa kanyang asawa at umuwi sa bahay ng kanyang magulang sa Bethlehem. Pagkalipas ng apat na buwan,
3nagdesisyon ang Levita na sunduin ang asawa niya at kumbinsihing magsama silang muli. Kaya umalis siya kasama ang isa niyang utusan at dalawang asno. Pagdating niya roon, pinatuloy siya ng babae. Nang makita siya ng ama ng babae, malugod siyang tinanggap.
4Pinilit siya ng biyenan niyang lalaki na manatili roon. Kaya nanatili siya sa loob ng tatlong araw na doon kumakain, umiinom at natutulog.
5Nang ikaapat na araw, maaga silang bumangon upang magkasamang umuwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae sa manugang niya, “Kumain muna kayo bago umalis.”
6Kaya kumain silang dalawa. Pagkatapos, sinabi ng ama ng babae, “Dito muna kayo magpalipas ng gabi at magsasaya tayo.”
7Hindi sana siya papayag pero pinilit siya ng biyenang lalaki, kaya nanatili na lang sila.
8Kinaumagahan, nakahanda na silang umalis, pero sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamayang hapon na lang kayo umalis.” Kaya kumain muna sila.
9Nang aalis na ang Levita, ang asawa niya, at ang kanyang utusan, sinabi ng ama ng babae, “Hapon na at maya-maya ay madilim na. Mabuti pa rito na lang kayo muling matulog. Magsaya muna kayo rito at maaga na lang kayong umalis bukas.”
10Ngunit hindi na pumayag ang Levita, sa halip, umalis siya at ang asawa niya, kasama ang utusan at ang dalawang asno patungong Jebus (na siyang Jerusalem ngayon).
11Papalubog na ang araw nang dumating sila malapit sa Jebus. Kaya sinabi ng utusan ng Levita, “Mabuti po siguroʼy dito na lang tayo matulog sa lungsod na ito ng mga Jebuseo.”
12Sumagot ang Levita, “Hindi tayo maaaring matulog dito sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo sa Gibea.
13Tayo na, sikapin nating makarating sa Gibea o sa Rama, at doon tayo matutulog.”
14Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin.
15Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.
16Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kaburulan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.
17Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?”
18Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Bethlehem na sakop ng Juda at papunta sa liblib na lugar sa kaburulan ng Efraim kung saan ako nanggaling. Nagpunta ako sa Bethlem at ngayoʼy patungo sa bahay ng Panginoon . Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya.
19May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.”
20Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.”
21Kaya sumáma sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.
22Habang nagkakasayahan sila, dumating ang ilang mga kalalakihan ng lungsod na mahilig sa kalaswaan at pinaligiran ang bahay. Habang kinakalampag nila ang pintuan, sinisigawan nila ang matandang may-ari ng bahay, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.”
23Sumagot ang may-ari ng bahay, “Huwag, mga kapatid ko. Huwag nʼyo siyang gawan ng masama. Dahil bisita ko siya, huwag nʼyong gawin sa kanya ng kahiya-hiyang bagay na ʼyan.
24Kung gusto nʼyo, ang anak kong dalaga na lang at ang asawa ng lalaking ito ang ibibigay ko sa inyo. Gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa kanila, huwag lang ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay sa bisita ko.”
25Hindi nakinig ang mga tao sa kanya, kaya pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag siyang pinagsamantalahan at inabuso ng mga ito. At nang magbubukang-liwayway na, pinaalis nila ang asawa ng Levita.
26Bumalik ang babae sa bahay na tinutuluyan ng kanyang asawa. Natumba siya sa pintuan at doon na siya sinikatan ng araw.
27Nang umagang iyon, bumangon ang kanyang asawa. Binuksan nito ang pintuan upang umalis na, at nakita niya ang asawa niyang nakahandusay at ang kamay nito ay nakaunat pa sa pintuan.
28Sinabi ng Levita, “Bangon na dahil uuwi na tayo.” Ngunit patay na pala ang babae, kaya isinakay niya ang bangkay sa kanyang asno at umalis.
29Pagdating niya sa kanila, pinagputol-putol niya sa labindalawang bahagi ang bangkay ng kanyang asawa at ipinadala sa labindalawang lahi ng Israel.
30Sinabi ng lahat ng nakakita nito, “Wala pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto. Ano kaya ang mabuti nating gawin?”