Mga Hukom 2

Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim

1Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita ang ipinasasabi ng Panginoon, “Inilabas ko kayo sa Ehipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo.

2Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito, sa halip ay gibain nʼyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod!

3Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga diyos nila ay magiging bitag sa inyo.”

4Nang matapos sabihin ng anghel ng Panginoon ang lahat ng mga ito, humagulgol sila.

5Kaya tinawag nilang Boquim ang lugar na iyon. At naghandog sila doon sa Panginoon .[#2:5 : Ang ibig sabihin, pag-iyak.]

6Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis ang bawat lahi upang angkinin ang lupaing nakalaan para sa kanila.

7At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel.

8Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110.

9Inilibing siya sa kanyang minanang lupain doon sa Timnat-heres, sa kaburulan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.

Sumuway ang Israel sa Panginoon

10Nang mamatay na ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay nakalimot sa Panginoon , maging sa mga ginawa niya para sa Israel.

11At gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal.

12Itinakwil nila ang Panginoon , ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Ehipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang diyos ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon ,

13dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod sila kay Baal at sa mga imahen ni Astoret.[#2:13 Ang ibang pangalan niya ay Astarte.]

14Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan upang samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway sa paligid nila hanggang hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili.

15Tuwing nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon , tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.

16Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga hukom na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan.[#2:16 : Hindi lang sila hukom, kundi sila rin ay mga pinuno at kumander ng mga sundalo, dahil wala pang mga hari noon.]

17Ngunit hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga diyos. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Diyos na sinunod noon ng kanilang mga ninuno.

18Tinutulungan ng Panginoon ang lahat ng hukom na isinusugo niya. At habang nabubuhay ang hukom nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila.

19Ngunit kapag namatay na ang hukom, bumabalik na naman sila sa masasama nilang gawa. Muli silang naglilingkod at sumasamba sa ibang mga diyos nang mas masahol pa sa pagkakasala ng kanilang mga ninuno. Ayaw nilang talikuran ang masasamang gawain nila at ang katigasan ng kanilang mga ulo.

20Kaya lalo pang nagalit ang Panginoon sa kanila. Sinabi ng Panginoon , “Dahil nilabag ng bansang ito ang aking kasunduan sa kanilang mga ninuno, at hindi nila ako sinunod,

21hindi ko na itataboy ang natirang mga bansa na hindi nasakop ni Josue bago siya namatay.

22Gagamitin ko ang mga bansang ito upang subukin ang mga Israelita kung talagang tutuparin nila ang aking mga utos katulad ng kanilang mga ninuno.”

23Ito ang dahilan kung bakit hindi agad itinaboy ng Panginoon ang natirang mga bansa at hindi niya pinahintulutang matalo ni Josue ang mga ito.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.