The chat will start when you send the first message.
1Sinabi sa akin ng Panginoon ,
2“Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila:
“Ito ang sinasabi ng Panginoon :
‘Natatandaan ko ang katapatan
at pagmamahal ninyo sa akin noon
na katulad ng babaeng bagong kasal.
Sumunod kayo sa akin kahit sa ilang
na lupaing hindi tinamnan.
3Kayong mga Israelita ay ibinukod
para sa akin.
Kayo ang pinakaunang bunga
na ibinigay sa akin.
Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo,
at napahamak sila,’
wika ng Panginoon .”
4Pakinggan ninyo ang mensahe
ng Panginoon ,
kayong mga mamamayan
ng Israel na lahi ni Jacob.
5Ito ang sinabi ng Panginoon :
“Anong kasalanan ang nakita
ng mga ninuno ninyo sa akin
na nagtulak sa kanila para lumayo?
Sumusunod sila sa mga walang
kuwentang diyos-diyosan,
kaya sila rin ay nawalan ng kabuluhan.
6Hindi sila nagtanong, ‘Nasaan ang Panginoon ,
na naglabas sa amin mula sa Ehipto
at nanguna sa amin sa ilang na walang tanim,
ang lupang tuyo, may mga hukay,
mapanganib
at walang taong tumitira o dumadaan?’
7Mula rooʼy dinala ko sila
sa masaganang lupain
upang makinabang sa mayamang ani nito.
Ngunit nang naroon na kayo,
dinungisan nʼyo ang lupain ko
at ginawa itong kasuklam-suklam.
8Kahit ang mga pari ay hindi nagtanong,
‘Nasaan ang Panginoon ?’
Ang mga nagtuturo ng kautusan
ay hindi ako kilala.
Ang mga pinuno
ay naghimagsik laban sa akin.
At ang mga propetaʼy nagpropesiya
sa pangalan ni Baal
at sinayang nila ang kanilang panahon
sa mga walang kuwentang diyos-diyosan.
9“Kaya susumbatan ko silang muli,
pati ang magiging anak
ng inyong mga anak,” sabi ng Panginoon .
10“Tumawid kayo sa kanluran,
sa mga isla ng Kitim,
at magsugo kayo ng magmamasid
nang mabuti sa silangan,
sa lupain ng Kedar,
at tingnan kung may nangyaring katulad nito:
11May bansa bang nagpalit ng kanilang diyos,
kahit na hindi ito mga tunay na diyos?
Ngunit ako, ang dakilang Diyos,
ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan
sa mga diyos na walang kabuluhan.
12Nangilabot ang buong kalawakan
sa ginawa nila;
at nayanig ito sa matinding pagkasindak,”
wika ng Panginoon .
13“Gumawa ang mga mamamayan ko
ng dalawang kasalanan:
Itinakwil nila ako,
ang bukal na nagbibigay-buhay,
at sumamba sila sa ibang mga diyos,
na para bang naghukay sila ng mga balon,
mga wasak na tipunan
na hindi nakakaipon ng tubig.
14Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin.
Bakit binibiktima siya ng mga kaaway?
15Ang mga kaaway niya
ay parang mga leon na umuungal sa kanya.
Sinira nila ang kanyang lupain,
sinunog ang mga bayan
at pinabayaang nakatiwangwang.
16Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes
ang nagwasak sa kanya.
17Kayong na ring mga Israelita ang nagdala
ng kapahamakang ito sa inyong mga sarili.
Sapagkat itinakwil ninyo ako,
ang Panginoon na inyong Diyos,
akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo.
18Ngayon, ano ang napala ninyo
sa inyong paglapit sa Ehipto at Asiria?
Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo
at umiinom ng tubig mula
sa Ilog ng Eufrates?
19Parurusahan ko kayo
dahil sa kasamaan
at pagtakwil nʼyo sa akin.
Isipin nʼyo kung gaano kasama
at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil
at paglapastangan
sa Panginoon na inyong Diyos,”
wika ng Makapangyarihang Panginoon .
20“Noong inalipin kayo,
para kayong nakapamatok,
o mga aliping nakakadena.
Ngunit nang mapalaya ko na kayo,
ayaw naman ninyong
maglingkod sa akin.
Sa halip, sumamba kayo sa mga diyos-diyosan
sa bawat matataas na burol
at sa ilalim ng mga malalagong punongkahoy.
Katulad kayo ng babaeng bayaran.
21Para kayong isang piling klase
ng ubas na aking itinanim,
na mula sa pinakamainam puno.
Ngunit bakit lumabas kayong bulok
at walang kabuluhang ubas?
22Maligo man kayo
at magsabon nang magsabon,
makikita ko pa rin ang dumi
ng mga kasalanan ninyo,”
wika ng Makapangyarihang Panginoon .
23“Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan
at hindi kayo sumamba kay Baal?
Tingnan nʼyo kung anong kasalanan
ang ginawa nʼyo
sa lambak ng Hinom.
Isipin nʼyo
ang ginawa nʼyong kasalanan.
Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay
dahil naghahanap ng lalaki.
24Para rin kayong babaeng asnong-gubat
na masidhi ang pagnanasa na magpakasta,
sa tindi ng kanyang pagnanasa
ay walang makakapigil sa kanya.
Ang lalaking asno ay hindi na
mahihirapang maghanap sa kanya.
Madali siyang hanapin
sa panahon ng pagpapakasta.
25Mga taga-Israel,
napudpod na ang inyong mga sandalyas
at natuyo na ang inyong mga lalamunan
sa pagsunod sa ibang mga diyos.
Ngunit sinasabi nʼyo,
‘Hindi namin maaaring itakwil
ang ibang mga diyos.
Mahal namin sila
at susunod kami sa kanila.’
26“Tulad ng isang magnanakaw
na napapahiya kapag nahuli,
mapapahiya rin kayong mga taga-Israel.
Talagang mapapahiya kayo,
pati ang inyong mga hari, pinuno,
pari, at mga propeta ninyo.
27Sinasabi ninyo sa imaheng kahoy,
‘Ikaw ang aking ama,’
at ang sa inukit na bato,
‘Ikaw ang aking ina.’
Itinakwil ninyo ako,
pero kapag naghihirap kayo,
humihingi kayo ng tulong sa akin.
28Bakit?
Nasaan na ang mga diyos
na ginawa ninyo para sa inyong sarili?
Tawagin ninyo sila
kung kaya nila kayong iligtas
sa paghihirap ninyo.
Sapagkat napakarami ninyong diyos,
kasindami ng mga bayan sa Juda.
29“Bakit kayo nagrereklamo sa akin?
Hindi baʼt kayo ang naghimagsik sa akin?”
wika ng Panginoon .
30“Pinarusahan ko ang inyong mga anak,
pero hindi sila nagbago.
Ayaw nilang magpaturo.
Kayo na rin ang pumatay
sa inyong mga propeta
gaya ng pagpatay ng mabangis
at gutom na leon sa kanyang biktima.
31“Kayong mga mamamayan ng henerasyong ito, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon :
Ako baʼy parang isang ilang
para sa inyong mga taga-Israel,
o kayaʼy parang isang lugar
na napakadilim?
Bakit ninyo sinasabing,
‘Bahala na kami sa gusto naming gawin.
Ayaw na naming lumapit sa Diyos.’
32Makakalimutan ba ng isang dalaga
ang kanyang mga alahas
o ang damit niyang pangkasal?
Ngunit kayong mga hinirang ko,
matagal na ninyo akong kinalimutan.
33Magaling kayong humabol
sa minamahal ninyong mga diyos-diyosan.
Kahit ang mga babaeng bayaran
ay matututo pa sa inyo.
34Ang inyong mga damit
ay may mga bahid ng dugo
ng mga taong walang kasalanan
at mga dukha,
kahit na hindi ninyo sila nahuling
nagnakaw sa inyong mga bahay.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito,
35sinabi nʼyo pa rin,
‘Wala akong kasalanan.
Hindi galit sa akin ang Panginoon !’
Ngunit talagang parurusahan ko kayo
dahil sinabi ninyo, ‘Hindi ako nagkasala.’
36Pangkaraniwan lang sa inyo
ang magpapalit-palit
ng mga bansang kakampihan.
Ngunit ipapahiya kayo ng Ehipto na inyong kakampi,
gaya ng ginawa sa inyo ng Asiria.
37Aalis kayo sa Ehipto
na nakatakip ang inyong kamay sa mukha
dahil sa kahihiyan at pagdadalamhati.
Sapagkat itinakwil na ng Panginoon
ang mga bansang pinagkatiwalaan ninyo.
Hindi na kayo matutulungan
ng mga bansang iyon.”