1Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga Amonita:
“Wala bang lahi si Israel
na magmamana ng lupaing ito?
Kayong mga sumasamba
sa diyos-diyosang si Molec,
bakit kayo nakatira sa mga bayan
ng lupain ni Gad?
2Darating ang araw,” sabi ng Panginoon ,
“na ipapasalakay ko
sa mga kaaway ang Rabba.
Wawasakin ang lungsod nʼyong ito
pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin.
Sa ganitong paraan,
mapapalayas ng mga taga-Israel
ang mga nagpalayas sa kanila,”
sabi ng Panginoon .
3“Umiyak kayo nang malakas,
kayong mga taga-Hesbon
dahil wasak na ang Ai.
Umiyak din kayong mga taga-Rabba.
Magdamit kayo ng damit na sako
at magparooʼt parito sa gilid ng pader
upang ipakita ang inyong pagluluksa.
Sapagkat bibihagin ang diyos-diyosan nʼyong si Molec
pati ang mga pari at pinuno niya.
4Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang
ang inyong masaganang
mga kapatagan?
Nagtitiwala kayo sa inyong kayamanan
at sinasabi ninyong
walang sasalakay sa inyo.
5Magpapadala ako
sa inyo ng mga kaaway
mula sa mga bansa sa palibot ninyo
upang takutin kayo,”
sabi ng Panginoong Diyos
ng mga Hukbo.
“Palalayasin nila kayo sa inyong lupain
at walang sinumang makakatulong sa inyo.
6“Ngunit darating ang araw
na ibabalik ko kayamanan
ng mga Amonita,”
sabi ng Panginoon .
7Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo tungkol sa Edom:
“Nasaan na ang marurunong sa Teman?
Wala na bang natitirang marunong magpayo?
8Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo
at magtago sa malalalim na kuweba.
Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan
ang mga lahi ni Esau
sa oras na parusahan ko sila.
9Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas
ay nag-iiwan ng mga bunga?
Hindi baʼt ang mga magnanakaw
ay kumukuha rin lang
ng anumang magugustuhan nila?
10Ngunit kukunin ang lahat ng ari-arian
ng mga angkan ni Esau.
Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila
upang hindi na sila makapagtago.
Mamamatay ang mga anak,
kamag-anak at mga kapitbahay nila.
Walang matitira sa kanila.
11Ngunit maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo
dahil ako ang kakalinga sa kanila.
At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”
12Sinabi pa ng Panginoon , “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo.
13Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bosra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.”
14Narinig ko ang balita mula sa Panginoon
na nagpadala siya ng mga sugo
sa mga bansa
upang paghandain sila sa digmaan
at hikayatin silang salakayin
ang bansa ng Edom.
15Sapagkat sinabi ng Panginoon
sa mga taga-Edom,
“Gagawin ko kayong mas mababa
kaysa sa ibang mga bansa,
at hahamakin kayo ng sangkatauhan.
16Ipinagmamalaki ninyong
kayoʼy nakatira sa batuhan
at matataas na lugar.
Ngunit sa pagmamataas
at pananakot ninyong ito sa iba,
dinadaya lamang ninyo ang inyong sarili.
Sapagkat kahit na naninirahan kayo
sa pinakamataas na lugar katulad
ng pinagpupugaran ng agila,
ibabagsak ko pa rin kayo,”
sabi ng Panginoon .
17Sinabi pa ng Panginoon ,
“Magiging malagim
ang kalagayan ng Edom.
Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot
at halos hindi makapaniwala
sa nangyari sa bansang ito.
18Kung paanong nawasak ang Sodoma
at Gomora at ang mga bayan
sa palibot nito,
ganoon din ang mangyayari sa Edom.
At wala nang taong maninirahan dito,”
sabi ng Panginoon .
19Bigla kong sasalakayin ang Babilonia
katulad ng leon na galing
sa kagubatang malapit sa Ilog Jordan,
sasalakay patungo sa pastulan
ng maraming tupa.
Magsisitakas sila,
at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom.
Sino ang maitutulad sa akin?
Sino ang mangangahas na kalabanin ako?
Sino ang pinunong makakalaban sa akin?
20Kaya pakinggan ninyo ang binabalak gawin
ng Panginoon laban sa Edom
pati sa mga mamamayan ng Teman:
Bibihagin ko ang mga anak nila
at gigibain ang mga tahanan nila.
21At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom,
mayayanig ang lupa
at ang iyakan ng mga tagaroon ay maririnig
hanggang sa Dagat na Pula.
22Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila
na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bosra.
Sa panahong iyon, matatakot
at magiging parang babaeng
malapit nang manganak
ang mga sundalo sa Edom.
23Ito ang mensahe tungkol sa Damasco:
“Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad
sa masasamang balita na kanilang narinig.
Naguguluhan at nanlulupaypay sila,
at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat.
24Nanghihina ang mga taga-Damasco
at tumakas sila dahil sa takot.
Takot at sakit ng damdamin
ang nararamdaman nila
na para bang babaeng malapit nang manganak.
25Ang tanyag at masayang lungsod ng Damasco[#49:25 : O kinalulugdan ko.]
ay itinakwil.
26Ang mga kabataan niyang lalaki
ay mamamatay sa mga lansangan
pati ang lahat ng kanyang kawal,”
wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
27“Susunugin ko ang mga pader ng Damasco,
pati ang matitibay na palasyo
ni Haring Ben-hadad.”
28Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:
“Humanda kayo at salakayin ninyo ang Kedar.
Lipulin ninyo ang mga taong ito ng silangan.
29Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian,
at mga kamelyo nila ay sasamsamin.
Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo
ng mga nakakatakot nating kaaway.’
30“Mga taga-Hazor, magmadali kayo
at tumakas!”
sabi ng Panginoon .
“Magtago na kayo sa mga kuweba.
Nagplano ng masama laban sa inyo
si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
31“Lusubin ninyo ang mga taong
namumuhay nang tiwasay
at hindi nababalisa,”
sabi ng Panginoon .
“Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila,
at nabubuhay sila na sila-sila lang.
32Ang mga kamelyo nila
at ang lahat ng kanilang kawan
ay magiging inyo.
Ikakalat ko ang mga taong ito
na nakatira sa malayong lugar
at ipapadala ko sa kanila
ang kapahamakan mula sa kung saan-saan,”
sabi ng Panginoon .
33“Magiging malungkot
ang Hazor magpakailanman
at walang taong maninirahan doon
kundi mga asong-gubat.”
34Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay propeta Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedequias sa Juda.
35Sinabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo,
“Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam,
ang pinakamahusay nilang mga kawal.
36Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway
mula sa lahat ng panig,
at ikakalat ko ang kanyang mga mamamayan
sa lahat ng dako.
Bibihagin sila sa lahat ng bansa
sa buong daigdig.
37Lilipulin ko ang mga taga-Elam
sa pamamagitan ng
kanilang mga kaaway
na nais pumatay sa kanila.
Talagang ipapadala ko sa kanila
ang kapahamakan
dahil sa matindi kong galit sa kanila,”
sabi ng Panginoon .
“Ipapasalakay ko sila sa kanilang mga kaaway
hanggang sa mawala silang lahat.
38Papatayin ko ang hari
at ang mga pinuno ng Elam,
at itatayo ko roon ang aking trono,”
sabi ng Panginoon .
39“Ngunit darating ang araw
na ibabalik ko ang Elam
sa mabuti niyang kalagayan,”
sabi ng Panginoon .