The chat will start when you send the first message.
1Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Hesus,[#2:1 : O sa ikatlong araw , ayon sa pagbibilang ng mga Hudyo.]
2at naimbitahan din sina Hesus at ang mga alagad niya.
3Nang maubos na ang alak sa handaan, sinabihan si Hesus ng kanyang ina, “Ubos na ang alak.”
4Sumagot si Hesus, “Ginang, wala itong kinalaman sa akin at sa iyo. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.”
5Sinabi ng ina ni Hesus sa mga katulong, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Hudyo sa ritwal nilang paghuhugas. Ang bawat tapayan ay maaaring maglaman ng 75 hanggang 115 litrong tubig.
7Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito.
8Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa kanila, “Sumalok kayo nang kaunti at dalhin sa namamahala ng handaan.”
At dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan.
9Tinikman niya ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan ito nanggaling (bagamaʼt alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig). Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal
10at sinabi, “Kadalasan, ang pinakamasarap na alak muna ang inihahain, at kapag marami nang nainom ang mga panauhin, saka naman inilalabas ang mababang uri. Ngunit ikaw, ngayon mo lang inilabas ang masarap na alak.”
11Ang nangyaring ito sa Cana ng Galilea ang unang himala na ginawa ni Hesus kung saan ipinakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at sumampalataya sa kanya ang mga alagad niya.
12Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Hesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Nanatili sila roon nang ilang araw.
13Malapit na noon ang Pista ng Paglampas ng Anghel, kaya pumunta si Hesus sa Jerusalem.
14Pumasok siya sa patyo ng Templo at nadatnan niya roon ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa, at mga kalapati, at ang mga tagapalit ng pera na nakapuwesto sa mga lamesa nila.
15Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya silang lahat palabas ng Templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ikinalat niya ang salapi ng mga tagapalit ng pera at itinaob ang mga lamesa nila.
16Sinabi ni Hesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”
17Naalala ng mga alagad niya ang sinabi sa Kasulatan, “Ikapapahamak ko ang pagmamalasakit ko sa inyong bahay.”[#2:17 Salmo 69:9.]
18Dahil sa ginawa niya, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Hudyo, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin bilang patunay na may karapatan kang gawin ito?”
19Sinagot sila ni Hesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.”
20Sinabi naman nila, “Ginawa ang Templong ito nang apatnapuʼt anim na taon at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21Ngunit ang Templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan.
22Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga alagad niya ang sinabi niyang ito, at naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi niya.
23Habang nasa Jerusalem si Hesus noong Pista ng Paglampas ng Anghel, marami ang sumampalataya sa kanya dahil sa mga ginawa niyang kamangha-manghang tanda.
24Ngunit hindi nagtiwala si Hesus sa kanila, dahil kilala niya ang lahat ng tao.
25At hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa tao, dahil alam niya ang nasa puso ng bawat isa.