Leviticus 22

Ang mga Handog sa Panginoon

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki na igalang nila ang mga handog na itinalaga sa akin ng mga Israelita, upang hindi nila lapastanganin ang banal kong pangalan. Ako ang Panginoon .

3“Sabihin mo sa kanila: ‘Mula ngayon at sa susunod pang mga henerasyon, kung may itinuturing na marumi sa inyong lahi na lalapit sa mga banal na handog na itinalaga ng mga Israelita sa kanilang Panginoon , hindi na siya makapaglilingkod pa bilang pari. Ako ang Panginoon .

4“ ‘Kung ang isang lahi ni Aaron ay may malubhang sakit sa balat o may sakit na tulo, hindi siya dapat kumain ng banal na handog hanggang sa siyaʼy maituring na malinis. Magiging marumi rin siya kapag nakahipo siya ng anumang bagay na nadikit sa patay, o ng taong nilabasan ng binhi,

5o nakahipo ng hayop o taong marumi.

6Ang sinumang makakahipo ng mga ganyan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Hindi siya maaaring kumain ng banal na handog maliban lamang kung siyaʼy nakaligo na.

7Kapag lumubog na ang araw, maituturing na siyang malinis at saka pa lang siya makakakain ng mga banal na handog na pagkain niya bilang pari.

8Hindi kayo dapat kumain ng alinmang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon .

9“ ‘Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala at mamatay dahil sa paglabag sa mga ito. Ako ang Panginoon at ibinukod ko kayo para maging banal.

10“ ‘Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng banal na handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa.

11Ngunit maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo.

12Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari.

13Ngunit kung siyaʼy biyuda o hiwalay sa kanyang asawa at wala silang anak, at muli siyang tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari. Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo.

14“ ‘Ngunit kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan sa pari ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng dalawampung porsiyento ang halaga noon.

15“ ‘Kayong mga pari, huwag ninyong dungisan ang mga banal na handog na inihahandog ng mga Israelita sa Panginoon .

16Huwag ninyo itong ipakain sa sinumang hindi kabilang sa inyong sambahayan at nang hindi sila magkasala at managot. Ako ang Panginoon at ibinukod ko kayo para maging banal.’ ”

Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog

17Sinabi ng Panginoon kay Moises,

18“Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila: ‘Ang sinuman sa inyo, Israelita man o dayuhang nakikipanirahan sa inyo sa lupain ng Israel, na mag-aalay ng handog na sinusunog sa Panginoon para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob,

19ay kailangang maghandog ng lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para ito ay tanggapin.

20Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi iyon tatanggapin.

21Kung ang handog pangkapayapaan sa Panginoon ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy maging katanggap-tanggap.

22Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy.

23Ngunit maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata.

24Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain.

25Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa inyong Diyos, dahil hindi iyon tatanggapin.’ ”

26Sinabi ng Panginoon kay Moises,

27“Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Ngunit mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay bilang handog sa pamamagitan ng apoy.

28Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.

29“Kung kayoʼy maghahandog ng handog ng pasasalamat sa Panginoon , sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito.

30At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon .

31“Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon .

32Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging banal.

33Ako ang naglabas sa inyo sa Ehipto para maging Diyos ninyo. Ako ang Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.