The chat will start when you send the first message.
1Nagkuwento pa si Hesus sa mga alagad niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilulustay ng katiwalang ito ang kanyang kayamanan.
2Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil tatanggalin na kita bilang katiwala.’
3“Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos.
4Ah, alam ko na! Gagawa ako ng paraan upang tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’
5“Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’
6Sumagot ito, ‘Isang daang banga ng langis ng olibo.’[#16:6 : O mga 3,000 litro.]
“Sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong limampu na lang ang utang mo.’
7“At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’
“Sumagot ito, ‘Isang daang sako ng trigo.’
“ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong walumpu na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala.
8“Dahil ditoʼy pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Diyos.
9“Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang inyong kayamanan sa mundong ito para magkaroon ng kaibigan. Kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan.
10“Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay.
11Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?
12At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?
13“Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.”
14Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Hesus dahil mahal nila ang salapi.
15Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Nagbabanal-banalan kayo sa harap ng mga tao pero alam ng Diyos kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso. Sapagkat ang mga bagay na itinuturing ng tao na mahalaga ay kasuklam-suklam sa mata ng Diyos.
16“Bago dumating si Juan na Tagapagbautismo, ang Kautusan at ang isinulat ng mga propeta ang siyang sinusunod ng mga tao. Ngunit mula nang dumating si Juan, ipinangangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at marami ang nagpupumilit na maging sakop nito.
17Gayunpaman, hindi ibig sabihin ay wala nang kabuluhan ang Kautusan, dahil mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa sa mawalan ng kabuluhan kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan.
18“Ang lalaking hiniwalayan ang asawa at nag-asawa ng iba ay nagkasala siya ng pangangalunya. At ang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.
19“May isang mayamang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw.
20May isa namang pulubing puno ng pigsa ang katawan na ang pangalan ay Lazaro. Dinadala siya sa labas ng pintuan ng bakuran ng mayaman.
21Gusto niyang makakain kahit ng mga mumong nahuhulog mula sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya roon ng mga aso at dinidilaan ang mga pigsa niya sa katawan.
22“Namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing,
23at dinala ito sa mundo ng mga patay. Habang nagdurusa siya roon, nakita niya sa malayo si Lazaro na kasama ni Abraham.[#16:23 : Sa Griyego, .]
24Kaya tumawag siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin! Utusan nʼyo po si Lazaro na isawsaw ang daliri niya sa tubig at ipatak sa dila ko para lumamig-lamig ang pakiramdam ko, dahil hirap na hirap na ako rito sa apoy.’
25“Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong noong nabubuhay ka pa sa lupa ay mabuti ang kalagayan mo pero si Lazaro ay hirap na hirap. Ngayon naman ay inaaliw siya rito at ikaw naman ang nahihirapan.
26Isa pa, hindi maaari ang sinabi mo dahil may malawak na bangin sa pagitan natin. Ang mga nandito sa amin na gustong pumunta diyan ay hindi makakatawid, at ang mga nariyan sa inyo ay hindi rin makakatawid dito.’
27“Sinabi pa ng mayaman, ‘Kung ganoon, Amang Abraham, nakikiusap ako sa inyo, papuntahin po ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama
28upang bigyan ng babala ang lima kong kapatid na lalaki tungkol sa lugar na ito ng paghihirap, nang hindi sila mapunta rito.’
29“Sumagot si Abraham, ‘Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta. Dapat nilang pakinggan ang mga iyon.’
30“Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sila makikinig doon, amang Abraham. Ngunit kung may patay na mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon.’
31“Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit mabuhay pa ang isang patay at mangaral sa kanila.’ ”