The chat will start when you send the first message.
1Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberio, si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes ang pinuno ng Galilea. Ang kapatid naman niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang pinuno ng Abilene.
2Mga punong pari noon sina Anas at Caifas. Sa panahong ito, nangusap ang Diyos kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang.
3Kayaʼt nilibot niya ang mga lugar sa paligid ng Ilog Jordan para mangaral. Ipinahayag niya na kailangang pagsisihan at talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
4Sa gayon, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,
“May sumisigaw sa ilang na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan
para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang landas
na kanyang lalakaran.
5Tatambakan ang mabababang lugar,
at papatagin ang mga bundok at burol.
Itutuwid ang liku-likong daan,
at aayusin ang mga baku-bakong landas.
6At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ”[#3:6 Isa. 40:3‑5.]
7Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino namang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Diyos?
8Kung totoong nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo sa inyong mga gawa. Huwag ninyong sabihin na dahil ninuno ninyo si Abraham ay hindi kayo mapaparusahan. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: Makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito.
9Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol na puputol sa ugat ng mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.”
10Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”
11Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, magbigay kayo sa mga walang makain.”
12May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”
13Sumagot si Juan, “Huwag kayong maningil nang higit sa inutos sa inyo!”
14May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?”
Sumagot siya, “Huwag kayong mangingikil kaninuman o magpaparatang ng hindi totoo para lang magkapera. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”
15Nang marinig ito ng mga tao, lalo silang nanabik sa pagdating ng Mesias at inisip nila na baka si Juan na nga ang hinihintay nila.
16Ngunit sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Kahit magkalag ng tali ng kanyang sandalyas ay hindi ako karapat-dapat. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy.
17Tulad siya ng isang taong nagtatahip para ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Titipunin niya ang mga butil sa kamalig, pero ang ipa ay susunugin niya sa apoy na kailanmaʼy hindi mamamatay.”
18Marami pang mga ipinangaral si Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita.
19Ang pinunong si Herodes ay tinuligsa niya, dahil inagaw niya si Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at gumawa pa siya ng iba pang mga kasamaan. At dinagdagan pa ni Herodes ang kanyang mga kasalanan nang ipabilanggo niya si Juan.
20At dinagdagan pa ni Herodes ang kanyang mga kasalanan nang ipabilanggo niya si Juan.
21Isang araw, nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Hesus. At habang nananalangin si Hesus, bumukas ang langit,
22at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
23Mga tatlumpung taóng gulang na si Hesus nang magsimula siya sa kanyang gawain. Ayon sa pagkakaalam ng mga tao, anak siya ni Jose na anak ni Eli.
24Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi.
Si Levi ay anak ni Melqui, na anak ni Janai.
Si Janai ay anak ni Jose,
25na anak ni Matatias.
Si Matatias ay anak ni Amos, na anak ni Nahum.
Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nagai.
26Si Nagai ay anak ni Maat, na anak ni Matatias.
Si Matatias ay anak ni Semein, na anak ni Josec.
Si Josec ay anak ni Joda,
27na anak ni Joanan.
Si Joanan ay anak ni Resa, na anak ni Zerubabel.
Si Zerubabel ay anak ni Salatiel, na anak ni Neri.
28Si Neri ay anak ni Melqui, na anak ni Adi.
Si Adi ay anak ni Cosam, na anak ni Elmadam.
Si Elmadam ay anak ni Er,
29na anak ni Josue.
Si Josue ay anak ni Eliezer, na anak ni Jorim.
Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi.
30Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda.
Si Juda ay anak ni Jose, na anak ni Jonam.
Si Jonam ay anak ni Eliakim,
31na anak ni Melea.
Si Melea ay anak ni Mena, na anak ni Matata.
Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David.
32Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed.
Si Obed ay anak ni Boaz, na anak ni Salmon.
Si Salmon ay anak ni Naason,
33na anak ni Aminadab.
Si Aminadab ay anak ni Admin, na anak ni Arni.
Si Arni ay anak ni Hezron, na anak ni Perez.
Si Perez ay anak ni Juda,
34na anak ni Jacob.
Si Jacob ay anak ni Isaac, na anak ni Abraham.
Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nahor.
35Si Nahor ay anak ni Serug, na anak ni Reu.
Si Reu ay anak ni Peleg, na anak ni Eber.
Si Eber ay anak ni Sala,
36na anak ni Cainan.
Si Cainan ay anak ni Arfaxad, na anak ni Shem.
Si Shem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec.
37Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc.
Si Enoc ay anak ni Jared, na anak ni Mahalalel.
Si Mahalalel ay anak ni Cainan, na anak ni Enos.
38Si Enos ay anak ni Seth, na anak ni Adan.
At si Adan ay anak ng Diyos.