The chat will start when you send the first message.
1Ito ay isang propesiya patungkol sa Nineve. Nilalaman ng aklat na ito ang mga pangitain ni Nahum na taga-Elcos.
2Ayaw ng Panginoong Diyos
na sumamba ang mga tao
sa ibang mga diyos.
Galit siya sa kanyang mga kaaway
at pinaghihigantihan niya sila.
3Ang Panginoon
ay hindi madaling magalit,
ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan
at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala.
Kapag dumadaan siya,
umuugong ang hangin at bumabagyo.
Ang mga ulap ay parang alikabok
sa kanyang mga paa.
4Sa utos lamang niyaʼy natutuyo
ang mga dagat at mga ilog.
Nalalanta ang mga tanim sa Bashan,
sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon.
5Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya,
pati na ang mga bundok at mga burol,
at ang mga tao sa mundo ay nanginginig.
6Sino ang makakatagal
sa matinding galit ng Panginoon ?
Kapag siya ay nagalit,
para siyang bumubuga ng apoy,
at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.
7Ang Panginoon ay mabuti;
matibay siyang kanlungan
sa oras ng kagipitan,
at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya.
8Sa pamamagitan ng rumaragasang baha
Pupuksain niya ang Nineve.
Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.
9Ano man ang kanilang masamang
binabalak laban sa Panginoon
ay kanyang wawakasan;
ang kaguluhang dulot nila
ay hindi na mauulit pa.
10Para kayong mga lasing
na nakapulupot sa matinik na halaman.
Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami.
11Ang isa sa inyong mga pinuno
ay nagbalak ng masama laban
sa mga mamamayan ng Panginoon .
Masama ang kanyang ipinapayo.
12Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda:
“Kahit na malakas at marami
ang kalaban ninyong taga-Asiria,
lilipulin ko sila hanggang sa mawala.
Kahit na pinarusahan ko kayo,
hindi ko na iyon uulitin pang muli.
13Ngayoʼy babaliin ko ang pamatok
ng pang-aalipin mula sa inyong mga leeg,
at kakalasin ko ang tanikala
ng pang-aapi ng mga taga-Asiria.”
14Ito naman ang sinasabi
ng Panginoon sa mga taga-Asiria:
“Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko
ang mga rebulto ninyong kahoy o metal
sa templo ng inyong mga diyos-diyosan.
Ihahanda ko na ang inyong mga libingan
dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”
15Mga taga-Juda,
tingnan ninyo ang kabundukan!
Dumarating na ang mensaherong
maghahatid ng magandang balita
ng kapayapaan sa inyong bayan.
Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista,
at tuparin ninyo
ang inyong mga panata sa Panginoon .
Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria
ay hindi na sasalakay sa inyo,
dahil lubusan na silang lilipulin.