The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2“Utusan mo ang mga Israelita na palabasin sa kampo ang sinumang may malubhang sakit sa balat o may lumalabas sa kanyang ari dahil sa karamdaman o itinuring siyang marumi dahil nakahipo siya ng patay.
3Palabasin ninyo sila, lalaki man o babae upang hindi nila marumihan ang kampo, kung saan ako naninirahang kasama ninyo.”
4Kaya pinalabas ng mga Israelita ang mga ganoong tao sa kampo ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
5Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises,
6“Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay sumuway sa gusto ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng masama sa kanyang kapwa, nagkasala ang taong iyon.
7Kailangang aminin niya ang nagawang kasalanan, at kailangang bayaran niya ng buo ang ginawan niya ng masama, at dagdagan ng dalawampung porsiyento ang bayad.
8Ngunit kung patay na ang ginawan ng masama at wala na siyang malapít na kamag-anak na tatanggap ng bayad, ang bayad ay mapupunta sa Panginoon at kailangang ibigay ito sa pari, kasama ng tupa na ihahandog ng pari para tubusin ang kasalanan ng taong iyon.
9Ang lahat ng banal na regalo na dinadala ng mga Israelita sa mga pari ay magiging pag-aari na ng pari.
10Magiging pag-aari ng isang bawat pari ang lahat ng sagradong donasyon na matanggap niya.”
11Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,
12“Sabihin mo ito sa mga Israelita: Kung ang isang babae ay lumihis ng landas at nagtaksil sa asawa niya,
13at nagkaroon siya ng relasyon sa ibang lalaki at lingid ito sa kaalaman ng asawa niya dahil walang nakakasaksi nito at hindi siya nahuhuli sa akto,
14ngunit nakaramdam ng pagseselos ang asawa niya at naghinalang dinungisan nito ang kanyang sarili, o kayaʼy nagselos at naghinala ang asawa niya kahit na hindi nito dinungisan ang kanyang sarili,
15kailangang dalhin ng asawa ang babae sa pari. At kailangang magdala din ang lalaki ng handog na isang kilong harinang sebada para sa kanya. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis o insenso dahil itoʼy handog ng paghihinala, isang handog pananda para malaman kung may pagkakasalang nagawa.
16“Dadalhin ng pari ang babae at patatayuin sa harapan ng Panginoon
17at pagkatapos ay maglalagay ang pari ng tubig sa mangkok na gawa sa putik, at lalagyan niya ito ng alikabok na mula sa sahig ng Toldang Tipanan.
18Kapag pinatayo na ng pari ang babae sa harapan ng Panginoon , ilulugay ng pari ang buhok ng babae, at ilalagay sa kamay niya ang handog ng paghihinala para malaman kung talagang nagkasala ang babae. Pagkatapos, hahawakan ng pari ang mangkok na may mapait na tubig na nagdadala ng sumpa,
19at pasusumpain niya ang babae at sasabihin sa kanya, ‘Kung hindi mo dinungisan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki, hindi ka masasaktan ng parusang dala ng tubig na ito.
20Ngunit kung dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi mo asawa,
21sumusumpa akong magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Panginoon sa iyo. At sanaʼy hindi ka magkaanak.[#5:21 : Sa literal, lumiit ang iyong balakang (o ari) at mamaga ang iyong tiyan.]
22Nawaʼy magdala ang tubig ng sumpa at pumasok sa iyong katawan para hindi ka na magkaanak.’
“Pagkatapos, sasabihin ng babae, ‘Mangyari sana ito.’
23“At isusulat ng pari ang sumpang ito sa isang sulatan at huhugasan niya ito sa mangkok na may mapait na tubig.
24(Kapag napainom na sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa. At kung may kasalanan siya, magiging dahilan ito ng matinding paghihirap niya, kung talagang nagkasala siya.)
25Pagkatapos, kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog ng paghihinala na inihandog ng asawa niya dahil sa paghihinala nito, at itataas ito ng pari sa harapan ng Panginoon at dadalhin sa altar.
26Kukuha ang pari ng isang dakot ng handog na butil bilang palatandaan ng handog, at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom niya sa babae ang tubig.
27Kung totoong dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, magpaparusa sa kanya nang matindi ang tubig na kanyang ininom na nagdadala ng sumpa. Hindi na siya magkakaanak at magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Diyos sa kanya.
28Ngunit kung hindi niya dinungisan ang kanyang sarili, hindi siya masasaktan, at magkakaanak siya.
29“Ito ang kautusan tungkol sa lalaki na naghihinala sa kanyang asawa. Kung nadungisan ng babae ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa,
30o naghihinala ang lalaki sa kanyang asawa na nanlalalaki ito, kailangang patayuin ng pari ang babae sa harapan ng Panginoon at ipagawa ang kautusang ito sa kanya.
31Walang pananagutan ang lalaki ngunit may pananagutan ang babae kung nagkasala siya, at magdurusa siya sa kanyang kasalanan.”