The chat will start when you send the first message.
1Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,[#Awit 135:15-18; Bar. 6:4-73; Pah. 9:20.]
sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
9Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
12Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13Sa lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,[#Pah. 11:18; 19:5.]
kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.
14Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
16Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.
Purihin si Yahweh!