1Hatulan mo ako, Oh Dios, at ipagsanggalang mo ang aking usap laban sa masamang bansa:[#Awit 26:1.; #Awit 35:1.]
Oh iligtas mo ako sa magdaraya at hindi ganap na tao.
2Sapagka't ikaw ang Dios ng aking kalakasan; bakit mo ako itinakuwil?[#Awit 44:9.]
Bakit ako yumayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?
3Oh suguin mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan; patnubayan nawa nila ako:[#Awit 40:11; 57:3.]
Dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok.
At sa iyong mga tabernakulo.
4Kung magkagayo'y paparoon ako sa dambana ng Dios,
Sa Dios na aking malabis na kagalakan:
At sa alpa ay pupuri ako sa iyo, Oh Dios, aking Dios.
5Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko?[#Awit 42:5.]
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya,
Na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.