1Isang mabuting bagay ang magpapasalamat sa Panginoon,[#Awit 147:1.]
At umawit ng mga pagpuri sa iyong pangalan, Oh Kataastaasan:
2Upang magpakilala ng iyong kagandahang-loob sa umaga,[#Awit 89:11.]
At ng iyong pagtatapat gabigabi.
3Na may panugtog na may sangpung kawad, at may salterio;[#Awit 33:2.]
Na may dakilang tunog na alpa.
4Sapagka't ikaw, Panginoon, iyong pinasaya ako sa iyong gawa:
Ako'y magtatagumpay sa mga gawa ng iyong mga kamay.
5Kay dakila ng iyong mga gawa, Oh Panginoon![#Awit 40:5.]
Ang iyong mga pagiisip ay totoong malalim.
6Ang taong hangal ay hindi nakakaalam;[#Awit 94:8.]
Ni nauunawa man ito ng mangmang.
7Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo,
At pagka gumiginhawa ang lahat na manggagawa ng kasamaan;
Ay upang mangalipol sila magpakailan man:
8Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mataas magpakailan man.
9Sapagka't, narito, ang mga kaaway mo, Oh Panginoon,[#Awit 129:1, 2; Nah. 1:2.]
Sapagka't, narito, ang mga kaaway mo'y malilipol;
Lahat ng mga manggagawa ng kasamaan ay mangangalat.
10Nguni't ang sungay ko'y iyong pinataas na parang sungay ng mailap na toro:[#1 Sam. 2:1.; #Blg. 23:22.]
Ako'y napahiran ng bagong langis.
11Nakita naman ng aking mata ang nasa ko sa aking mga kaaway,[#Awit 54:7.]
Narinig ng aking pakinig ang nasa ko sa mga manggagawa ng kasamaan na nagsisibangon laban sa akin.
12Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma.[#Awit 52:8; Is. 65:22; Os. 14:5-8; Amos 2:9.]
Siya'y tutubo na parang cedro sa Libano.
13Sila'y nangatatag sa bahay ng Panginoon;[#Awit 1:3.]
Sila'y giginhawa sa mga looban ng aming Dios.
14Sila'y mangagbubunga sa katandaan;
Sila'y mapupuspos ng katas at kasariwaan:
15Upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
Siya'y aking malaking bato, at walang kalikuan sa kaniya.