The chat will start when you send the first message.
1Nang matanda na si Isaac, malabo na ang kanyang mga mata at anupa't hindi na makakita. Tinawag niya si Esau na kanyang panganay at sinabi sa kanya, “Anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
2At sinabi niya, “Masdan mo, ako'y matanda na at hindi ko nalalaman ang araw ng aking kamatayan.
3Hinihiling ko na kunin mo ngayon ang iyong mga sandata, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog. Pumunta ka sa parang at ihuli mo ako ng usa.[#27:3 Sa Hebreo ay .]
4Ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain gaya ng aking ibig, at dalhin mo rito sa akin at ako'y makakain, upang ikaw ay mabasbasan ko bago ako mamatay.”
5Naririnig ni Rebecca ang pagsasalita ni Isaac kay Esau na kanyang anak. Kaya't nang pumunta si Esau sa parang upang manghuli ng usa at magdala nito,
6ay sinabi ni Rebecca kay Jacob na kanyang anak, “Narinig ko ang iyong ama na nagsasabi kay Esau na iyong kapatid,
7‘Dalhan mo ako ng usa, at ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain upang ako'y makakain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon bago ako mamatay.’
8Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang aking sinabi, ayon sa iniutos ko sa iyo.
9Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo sa akin ang dalawang magandang batang kambing at gagawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama, ayon sa kanyang ibig.
10Dadalhin mo ito sa iyong ama at hayaan mong kumain upang ikaw ay kanyang basbasan bago siya mamatay.”
11Subalit sinabi ni Jacob kay Rebecca na kanyang ina, “Si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo at ako'y taong makinis.
12Baka hipuin ako ng aking ama, at ako ay magiging mandaraya sa kanyang paningin; at ang aking matatanggap ay sumpa at hindi pagpapala.”
13Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Mapasaakin na ang sumpa sa iyo, anak ko. Sundin mo lamang ang aking sinabi. Umalis ka na at dalhin ang mga iyon sa akin.”
14Kaya't siya'y umalis at kinuha ang mga ito at dinala sa kanyang ina. Gumawa ang kanyang ina ng masarap na pagkaing gusto ng kanyang ama.
15Kinuha ni Rebecca ang pinakamagandang damit ng kanyang panganay na anak na si Esau na nasa kanya sa bahay at isinuot kay Jacob na kanyang bunsong anak.
16At ang mga balat ng mga batang kambing ay ibinalot sa kanyang mga kamay, at sa makinis na bahagi ng kanyang leeg.
17Ibinigay niya ang masarap na pagkain at ang tinapay na kanyang inihanda kay Jacob na kanyang anak.
18At siya'y lumapit sa kanyang ama at sinabi, “Ama ko;” at sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?”
19Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin. Bumangon ka ngayon, umupo at kumain ka ng aking usa upang ako'y mabasbasan mo.”
20At sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Ano't napakadali mong nakakuha, anak ko?” At sinabi niya, “Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ang nagbigay sa akin ng tagumpay.”
21Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Anak ko, lumapit ka rito at hahawakan kita, kung ikaw nga ang aking anak na si Esau o hindi.”
22Lumapit si Jacob kay Isaac na kanyang ama at hinawakan siya at sinabi, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.”
23Hindi niya nakilala si Jacob sapagkat ang kanyang kamay ay kagaya ng mabalahibong mga kamay ng kanyang kapatid na si Esau. Kaya't siya'y binasbasan ni Isaac.[#27:23 Sa Hebreo ay .; #27:23 Sa Hebreo ay .]
24At sinabi niya, “Ikaw nga ba ang aking anak na si Esau?” At sinabi ni Jacob, “Ako nga.”[#27:24 Sa Hebreo ay .]
25Sinabi niya, “Dalhin mo na sa akin upang makakain ako ng usa ng aking anak, upang mabasbasan ka.” Inilapit niya ito sa kanya at kumain siya, at siya'y dinalhan niya ng alak, at siya'y uminom.[#27:25 Sa Hebreo ay .]
26Sinabi sa kanya ni Isaac na kanyang ama, “Anak ko, lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin.”
27At siya'y lumapit at humalik siya sa kanya at naamoy ng ama ang amoy ng kanyang mga suot. Siya'y binasbasan, at sinabi,[#Heb. 11:20]
“Ang amoy ng aking anak
ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon .
28Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng hamog ng langit,
at ng taba ng lupa,
at ng saganang trigo at alak.
29Ang mga bayan nawa ay maglingkod sa iyo,[#Gen. 12:3]
at ang mga bansa ay magsiyukod sa iyo.
Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid,
at magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina.
Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo,
at maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.”
30Katatapos pa lamang basbasan ni Isaac si Jacob, at bahagya pa lamang nakakaalis si Jacob sa harap ni Isaac na kanyang ama, ay dumating si Esau na kanyang kapatid na galing sa kanyang pangangaso.
31Naghanda rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama, “Bangon na, ama ko, at kumain ka ng usa ng iyong anak upang mabasbasan mo ako.”
32Sinabi ni Isaac na kanyang ama sa kanya, “Sino ka?” At kanyang sinabi, “Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.”
33At nanginig nang husto si Isaac, at sinabi, “Sino nga iyong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain noon bago ka dumating, at siya'y aking binasbasan? Kaya't siya'y magiging mapalad!”
34Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama ay sumigaw siya nang malakas at umiyak na may kapaitan at sinabi sa kanyang ama, “Basbasan mo rin ako, aking ama.”
35Ngunit sinabi niya, “Pumarito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pandaraya, at kinuha ang basbas sa iyo.”
36At kanyang sinabi, “Hindi ba't tumpak na ang pangalan niya ay Jacob? Dalawang ulit niya akong inagawan. Kinuha niya ang aking pagkapanganay at ngayo'y kinuha ang basbas sa akin.” At kanyang sinabi, “Wala ka bang inilaang basbas para sa akin?”[#Gen. 25:29-34]
37Sumagot si Isaac kay Esau. “Ginawa ko na siya bilang panginoon mo, at ibinigay ko sa kanya ang lahat niyang mga kapatid bilang mga lingkod, at binigyan ko siya ng trigo at alak. Ano ngayon ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?”
38Sinabi ni Esau sa kanyang ama, “Wala ka na bang basbas maliban sa isa, ama ko? Basbasan mo rin ako, ama ko.” At sumigaw si Esau at umiyak.[#Heb. 12:17]
39Sumagot si Isaac na kanyang ama,[#Heb. 11:20]
“Tingnan mo, papalayo sa taba ng lupa ang iyong tahanan,
at papalayo sa hamog ng langit sa itaas;
40mabubuhay ka sa pamamagitan ng iyong tabak[#Gen. 36:8; 2 Ha. 8:20]
at maglilingkod ka sa iyong kapatid,
at kapag ikaw ay lumaban,
babaliin mo ang kanyang pamatok na nasa iyong leeg.”
41Kaya't kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay sa kanya ng kanyang ama. At sinabi ni Esau sa sarili, “Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; pagkatapos ay papatayin ko si Jacob na aking kapatid.”
42Ngunit ang mga salita ni Esau na kanyang panganay ay naibalita kay Rebecca. Kaya't siya'y nagsugo at ipinatawag si Jacob na kanyang bunso at sinabi sa kanya, “Inaaliw ng iyong kapatid na si Esau ang kanyang sarili sa pagpaplanong ikaw ay patayin.
43Ngayon, anak ko, sundin mo ang aking tinig; bumangon ka at tumakas ka patungo sa aking kapatid na si Laban na nasa Haran.
44Tumigil ka sa kanya nang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid,
45hanggang sa mapawi ang galit sa iyo ng iyong kapatid at malimutan niya ang ginawa mo sa kanya. Pagkatapos ay magsusugo ako at ipasusundo kita mula roon. Bakit kailangang kapwa kayo mawala sa akin sa isang araw?”
46At sinabi ni Rebecca kay Isaac, “Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Het. Kung si Jacob ay mag-aasawa mula sa mga anak ni Het na gaya ng mga ito mula sa mga anak ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?”