1Kinalaunan, tinalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya mula sa kanila ang Meteg-amma.
2Natalo rin ni David ang mga Moabita. Pinahanay niya nang nakahiga ang mga ito sa lupa, at sinukat ang mga ito gamit ang isang lubid. Ang mga napabilang sa sukat na dalawang lubid ay pinagpapatay, at ang mga napabilang naman sa sukat ng pangatlong lubid ay hinayaang mabuhay. Ang mga Moabitang hinayaang mabuhay ay nagpasakop kay David at nagbayad sa kanya ng buwis.
3Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob, habang papunta si Hadadezer sa lupaing malapit sa Ilog Eufrates para bawiin ito.
4Naagaw nina David ang isang libo niyang karwahe, pitong libong mangangarwahe, at dalawampung libong sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe, maliban lang sa isandaang kabayo na itinira nila para gamitin.[#8:4 : Itoʼy ayon sa tekstong Septuagint (at sa 1 Cro. 18:4). Sa Hebreo, 1,700 mangangarwahe.]
5Nang dumating ang mga Arameo mula sa Damasco upang tulungan si Haring Hadadezer ng Zoba, pinatay nina David ang dalawampuʼt dalawang libo sa mga ito.[#8:5 : O taga-Syria. Ganito rin sa talata 6|2SA 8:6.]
6Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damasco, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pupuntahan niya.
7Kinuha ni David ang mga gintong kalasag na pag-aari ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem.
8Kinuha rin niya ang napakaraming tanso sa Beta at Berotai, mga bayang sakop ni Hadadezer.[#8:8 : Sa ibang mga tekstong Septuagint (at sa 1 Cro. 18:8), Teba.]
9Nabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Hadadezer.[#8:9 : O Toi.]
10Kaya pinapunta niya ang anak niyang si Joram kay Haring David para kumustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Joram ng mga regalong gawa sa pilak, ginto at tanso.
11Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon , gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na nasamsam niya mula sa mga sumusunod na bansang tinalo niya:
12ang Edom, Moab, Amon, Filistia at Amalek. Inihandog din niya ang mga nasamsam nila mula kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob.[#8:12 : Ito ay ayon sa Septuagint, Syriac at sa iba pang tekstong Hebreo. Sa ibang tekstong Hebreo, Aram.]
13Naging tanyag pa si David nang mapatay niya ang 18,000 Edomita sa lambak na tinatawag na Asin.[#8:13 : Itoʼy ayon sa tekstong Septuagint at Syriac; sa Hebreo, Aram (na ang ibig sabihin, “mga Arameo”).]
14Naglagay siya ng mga kampo sa buong Edom, at sinakop niya ang mga Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pinupuntahan niya.
15Naghari si David sa buong Israel. Ginawa niya ang matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya.
16Si Joab na anak ni Zeruias ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehosafat naman na anak ni Ahilud ang kalihim ng kaharian.
17Si Sadoc na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga punong pari. Si Seraya ang tagasulat at tagapag-ingat ng lahat ng kasulatan.
18Si Benaias na anak ni Jehoiada ang namumuno sa mga Kereteo at Peleteo na mga personal niyang tagapagbantay. At ang mga anak niyang lalaki ang mga tagapayo niya.[#8:18 : O pari.]