1Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica kung saan mayroong sinagoga ng mga Hudyo.
2At katulad ng nakagawian ni Pablo, pumunta siya sa sinagogang iyon. At sa loob ng tatlong magkakasunod na Araw ng Pamamahinga, nakipagtalakayan siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan
3upang patunayan sa kanila na ang Mesias ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Hesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Mesias.”
4Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumáma kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griyego na sumasamba sa Diyos at mga kilalang babae ang sumáma sa kanila.
5Ngunit nainggit ang mga ibang Hudyong naroon kaya pinagsama-sama nila ang mga basagulero sa lansangan. Nang dumami na ang mga iyon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao.
6Ngunit nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, kinaladkad nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod.
7Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Hesus.”
8Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila.
9Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.
10Kinagabihan, pinapunta ng mga mananampalataya sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating nila roon, pumunta sila sa sinagoga ng mga Hudyo.
11Mas bukas ang kaisipan ng mga taga-Berea kaysa sa mga taga-Tesalonica. Gustong-gusto nilang makinig sa mga itinuturo nina Pablo. At araw-araw nilang sinasaliksik ang Kasulatan upang alamin kung totoo nga ba ang mga sinasabi nina Pablo.
12Marami sa kanila ang sumampalataya kabilang dito ang mga Griyegong babae na kilala sa lipunan at mga Griyegong lalaki.
13Ngunit nang marinig ng mga Hudyo sa Tesalonica na nangaral si Pablo ng salita ng Diyos sa Berea, pumunta sila roon at sinulsulan ang mga tao na manggulo.
14Kaya inihatid ng mga mananampalataya si Pablo sa tabing-dagat. Ngunit sina Silas at Timoteo ay nagpaiwan sa Berea.
15Ang mga taong naghatid kay Pablo ay sumáma sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, bumalik sila sa Berea taglay ang bilin niya na pasunurin sa kanya sa Atenas sina Silas at Timoteo.
16Habang hinihintay ni Pablo sina Silas at Timoteo sa Atenas, nakita niyang maraming diyos-diyosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito.
17Kaya pumasok siya sa sinagoga ng mga Hudyo at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga Griyegong sumasamba rin sa Diyos. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon.
18Dalawang pangkat ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang pinagsasabi ng nagmamagaling na ʼyan?” Ang sabi naman ng iba, “Ibang mga diyos yata ang ipinapangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Hesus at sa kanyang muling pagkabuhay.
19Isinama nila si Pablo sa isang pagtitipon ng Areopago. Sinabi nila sa kanya, “Puwede ba naming malaman ang mga bagong aral na itinuturo mo?
20Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.”
21(Ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)
22Kaya tumayo si Pablo sa gitna ng pagtitipon ng Areopago at sinabi, “Mga taga-Atenas! Nakikita kong napakarelihiyoso ninyo.
23Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: Para sa Hindi Nakikilalang Diyos.
“Itong Diyos na inyong sinasamba na hindi pa ninyo nakikilala ay ang Diyos na aking ipinapangaral sa inyo.
24“Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na gawa ng mga tao.
25Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin.
26Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa.
27“Ginawa ito ng Diyos para hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Ngunit ang totoo, ang Diyos ay hindi malayo sa atin.
28‘Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’
29“Dahil tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang banal na Diyos ay katulad ng diyos-diyosang ginto, pilak, o bato na likha lamang ng isip at kamay ng tao.
30Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Diyos, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Diyos ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain.
31Sapagkat itinakda na ng Diyos ang araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao dito sa mundo sa pamamagitan ng taong pinili niya. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”
32Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, pinagtawanan siya ng ilan. Ngunit sinabi naman ng iba, “Bumalik ka ulit dito, dahil gusto pa naming makinig tungkol sa mga bagay na ito.”
33Pagkatapos nito, umalis na si Pablo.
34May ilang lalaking sumáma kay Pablo at sumampalataya kay Hesus. Ang isa sa kanila ay si Dionisio na miyembro ng Areopago, at ang babaeng si Damaris, at may iba pa.